ADIOS SA VATICAN IDOL!
“Hateful, blasphemous, prejudiced, vulgar,
rude, or ignorant remarks are the music
of a free society, and the relentless patter of idiots
is how we know we’re in one. When all the words
in our public conversation are fair, good,
and true, it’s time to make a run for the fence.”
– DANIEL GILBERT
Si Francisco Baltazar ang top Vatican Idol sa kakulturahang Filipino. Siya bilang makata ang sentrong target ng KOMENTULARYOS ni Tomas F. Agulto.
Bakit Komentularyos? Palibhasa’y mamamalakaya rin ng mga tao, kakaibang tabas, hubog at sukat ng mata ng lambat ang hinayuma para sa panulaan ng makatang kababayan ni Balagtas. Kinatnig-katnig niya ang mga komentaryong patula bilang Ars Poetica. Kundanga’y taliwas na taliwas sa doktrinang Kristiano ang kanyang kuntra-relihiyong paradigm – pansawata sa hibo at impluwensyang pangkaisipan ng nasirang Kikong- Balagtas.
Gustong burahin ng makatang mangingisda ang pag-aakala na merong look sa panitikan na hindi kayang arukin o sobrang kinatatakutan ng ibang pumapalaot sa literatura. Bakit kasi sasalungatin ang Kristianong pananaw ng mga kanonigong manong at deboto ni Balagtas: Hermenegildo Cruz, Epifanio de los Santos, Julian Cruz Balmaceda, Lope K. Santos, Teodoro Agoncillo, Virgilio S. Almario et al. Aba’y 360 degrees na pagbaliktad sa pagsambang ginagawa ng mga panatiko kay Kikoang agenda ni Agulto.Sapagkat hindi lang mababang-uri ang Florante at Laura kundi obrang sobra sama. Kung ang Doctrina Christiana ay nagluwal ng Mahal na Pasyon, nagkaapo ito ng Florante at Laura; pinakadakila ang dalawang obrang nabanggit sa mga akdang ‘kayawa’ na pulos katas ng mga luma’t panis na karunungan mula sa Bibliya. Pangit. Napaka! Masamang damo itong nagpamulaklak ng mga akdang tabubok. Literaturang napinsala sa hibo ng paurong na kaisipang Kristiano: Tandang Baciong Macunat, Urbana at Feliza; Mga awit at korido: Moro-moro at kung anu-anong akdang sapal ng pinagsapalan. Mapait pa sa apdo – ang katas ng Mahal na Pasyon at Florante at Laura – ang ipinapangahas na yamang taglay ng Kristiano sa lupa pasaporte biyaheng langit. Sabi nga ni Rizal: GINTO ang turing ng alipin sa posas/pulseras sa kanyang galang. At iyon ang ipinagpuputok ng butse ni Ka Tomas; na sanhi rin ng kabag at nagpapasakit sa kanyang tiyan sa katatawa tuwing nakakabasa ng press release na meron na namang balagtasan sa book launching, o conference ng mga kenkoy sa literatura.
Kaya napakapaklang katatawanan sa Komentularyos ang pagsamba kay Balagtas ng sikat na kritikong Virgilio S. Almario. Ganito ang pamumustura ng National Artist sa Florante at Laura:
“Hindi ako magtataka kung dumating ang panahon na pagkabungkal ng lamang-ugat ng iba pang salitang aking inihanay ay lalong mamukadkad sa atin ang akda ni Balagtas bilang isang munting Tractatus Logico-Philosopichus.”
Gaya-gayang hiramyutiks (hermeneutics) toolkit na pulot yata kay Ludwig Wittgenstein sa pantasyang ipin-down ang relasyon ng wika at realidad sa pamamagitan ng personal na kutob at humahalihawhaw na imahinasyong batayan ng pagbusisi sa obra. Pagbungkal ng lamang-ugat? Mga corpus na katagang minumuni-muni? Paghahanay sa mga salitang kaliluhan, lilo, sukab, asal-hayop, taksil na pita… Ayon kay Almario, kailangan ang makapangyarihang pagbasa? Nagrerekrut si Almario ng referee para mamagitan sa makata at mambabasa? Extra-gastos sa ekonomyang panliteratura. Kung Tagalog ang makata at Tagalog din naman ang mambabasa, paghamak at pangmamata sa babasa. Huwag na! At ano kaya ang kredensyal ng kritiko? Ng imported na toolkit? Kahit sa Balagtasismo Versus Modernismo, napakakomportable ng pagkakategorya sa mga makata. Konseptong sabungero: Sapula/Saputi. Kung Modernista si Alejandro G. Abadilla – Balagtasista naman si Jose Corazon de Jesus. Bagamat may bahid ang naratibo ng tribyang pulitikal at kasaysayang pang-estado, porma-porma lamang at bahaw na sentimyentong bersopikasyon ang nagsilbing baklad sa paghahati. Kahit magtangkang sumisid nang malalim, paano babakuran ang look ng solipsismo’t imahinasyon ng mga makatang ikinategoryang Balagtasista at Modernista. Gahol sa psychological na pagsipat ang textual na paghahati. Saan manggagaling ang mandate sa paglalagay ng boundary? Sa National Artist? Sa status quo? Pansinin: Kung si Batute ay may romantikong gunam-gunam at pusong Kristianong mangingibig ng pekpek at nasyunalismong pinagtutugmang rekotitos ng Estado — si AGA naman ang rebeldeng lagalag sa porma at pagpapasiklab. Ano ang anatomikong parametro at timbangan para sa dalawang makata? Lansakang State Nationalism. Reaksyong palliative laban sa malakas, manlulupig, dayuhan at puti, etc. Hindi makapag-isip nang lagpas sa doktrinang Kristiano – kung ano at hanggang saan susundan ang ebolusyong kultural ng tao. Mga obrang romantiko’t pantastiko para magsilbing borloloy panliteratura sa “Dakilang Liping Kayumanggi” na tatawaging “Hiyas” ng Panitikang Pambansa. Paradoxical, ganito nahubog ang ating identidad: Xenophobic/Xenophile. Kutkot-kalawang. Mala-kawali. Maputla ang tiyan, mauling ang puwit. 1) Dogmatikong rejection ng anumang banyaga; 2) Debotong pagsamba sa Lahing-Puti! Epekto ng kolonyalismo’t lupig na kamalayan. Krisis ng ating pagkatao ang mismong bumulag sa mga tradisyunal na scholar. Inuupod ang pagkatao ng self denial, polite-hypocrisy-complex. Kababawang-loob Kristiano. Kapinoyan. Pinoyness, Filipinoness. Isip-alipin. Lakad-alimango. Ito ang kalibreng Kikonian. Hindi pwedeng magsalita si Kapitan sa harap ni Mayor; hindi rin pwedeng magsalita si Mayor sa harap ni Gov; lalo namang hindi pwedeng magdisisyon si Gov kung walang signal sa Malacanang. Kikonian paradigm. Sapula/Saputi. Parang magkabilang basyo ng itlog na isinaklob sa tingting sa plorerang plastic sa opisina ng National Archives. Isa’y puti (penoy) isa’y pula (itlog na maalat.) Kambal na itlog. Bayag ng Balagtasismo. Bugok!
Dadakilain sina Balagtas at Batute? Pagpapapusyaw ito sa kalidad ng tula ng rebolusyonaryong makatang tulad ni Emmanuel Lacaba. Ano pa’t ang padron ng Bagong Formalismong Balagtasyano ang epitome ng panulaang tagalog/filipino na luglog sa paghahalughog sa elegansyang pangwika, porma at borloloy na sinasakluban kunyari ng walang pulitikang pulitika pero marubdob ang linya ng pag-ibig sa nacion o estado at himodismong pagdeskarte sa sinumang Trapong nakapoder. Kaya ang pagkatas sa mga lamang ugat ng mga katagang Kikonian sa Florante at Laura ay alinsunod sa kaisipang ‘dakila, makadiyos, at maka-Filipinas’ para ipakalat-ipauso ang kulturang palasunod sa gobyernong bulok at anti-mamamayan. Mapandaya. Katulad ng paggamit sa literaturang katas ng Banal na Bibliya ng mga sinaunang theologians at philologists. Kung may batikang National Artist ngayon, si Balagtas naman ang Vatican artist noon. Mga pakawalang lobo ng mga Hari at Diyos-diyosan. Nagpauso sa panitikan ng estetikong maka-Idolatriya, maka-Hari, maka-Diyos, anti-Tao, bangkarote, panis na sapal ng pinagsapalan. Pesteng yawa!
Hindi naman mahirap intindihin ang mga kataga’t talinghaga ni Balagtas kaugnay ng salitang maawaing langit, kahanay ng walang nangyayari sa balat ng lupa, di may kagalingang iyong ninanasa, sugo ng langit kaugnay ng hari at reynang walang iniisip, kundi ang magsabog ng awa sa kabig.”
Masama pa nga kung pangunahan ng bait ang mga estudyanteng mambabasa. Madalas kaysa hindi, nakapagliligaw ng isip na parang tiyanak ang ilang kritiko. Lalo pa’t may kabuntot na “respetado at batikan” ang kanilang pangalan. Sa totoo lang kahit katiting, walang impluwensya ang pagbasang abrakadabra sa obrang mapamahiin at palaasa sa ‘kaloob ng langit’.
Kailangan ang anatomikong toolkit ng mga kritiko sa sining at literatura para makatagos sa mukha, laman, buto, kabuuan at kalook-lookan ng anumang anyo ng isang likhang-sining. Anatomiko: balanseng pagbusisi sa tekstong kasalabid sa aktibidad at kaakibat ng buhay-makata. Hahagilapin nito ang mga metaporang organiko at ‘aral’ o teknikal na sinahod niya sa tradisyon; pati na ang pag-iimbento o pagpapalusog/pagpapasiklab ng makata sa pagtula.
Anatomikong pagsaklaw sa kasaysayang personal at panlipunang hibo sa adka ng may-akda; sumusuysoy kung albularyo ba ang manunulat sa kinayawang kultura. Galamay ng Status Quo. Tagahimod! Kikonian!
Ang Tula ay masarap at masustansya, nagpapasigla, nagkakarga ng kalidad/dignidad sa buhay ng Tao. Hindi ito ‘hiyas’ o borloloy ng isang estadong bulok. Ayaw ng tula sa eleganteng ornamentong kurtina sa dulingas na mata at utak; bagkus, ang tula ay langis ng buhay. Nagpapaluningning sa kahubdan; binubusigsig ang kaano-anohan ng tao at inuurirat ang kabakit-bakitan ng kalikasan; Masipag at tapat na ‘bastos’ ang tula; tahas at bukas sa pag-unlad. Pampalakas-loob. Maka-Buhay at maka-Tao, hindi palaasa sa grasyang isasabog ng hihinda-hindarang Hari at Reynang sugo ng Diyos sa lupa. Sa ganitong panukat: Kayawa ang Florante at Laura. Pesteng yawang magnum opus!
Ibinubuluntaryong Taraw ang Komentularyos. Itinutundos sa isang panukalang oryentasyon na pagtatayuan ng parola para sa mga kapwa mamamalakayang naglalayag sa laot ng sining at panitikan. Kung nasa angkop na spot ang parola, hindi basta-basta maliligaw ang mga mamamalakaya. Walang magtatali ng sariling baloto sa komersyal na barko ng mga kulturating barbarían laluna’t kung ang kapitan at piloto ay nagmamatang-manok pagkagat-ng-dilim. Kung may tumaob na bangka, matuto silang lumangoy; humandang malalad at magpakatatag; may ipasisiwang na opurtunidad ang klima at kalikasan; kahit pawikan o page na maaaring maghatid sa kanya pabalik sa buralan ng mga kapatid na mamamalakaya; o makarating kaya sa palaw ng mga Badjao sa Sabah, sa El Nido ng Palawan o sa Itbayat ng mga mangingisdang Ivatan. Hangga’t posible, sa pamamagitan ng libro, iwawagayway balang-araw sa parola ang signal na ilaw ng KOMENTULARYOS. Malisik na liwanag laban sa mapambansot na islogan at bulok na kaisipang dakila, makabayan, makadiyos. Ito ang pondong kaisipan sa panulaang kayawa: dakila, makabayan, makadiyos – Bugok sa dilang Bugok. Reaksyunaryo. Anti-Tao. Kuntra-Masa. Sa malao’t madali, igugupo ng tulang realista, makatao, maka-agham ang bugok na kaisipan at bulok na istilo ng panulaang tagalog/filipino.
Pansinin ang bahid ng kanyang pamimilosopo’t katusuhan: Sa mga Makatang Eat All You Can:
… “Karapatan ninyong kumain nang kumain
Kakagutom talaga ang paglulubid ng buhangin
Okey lang umutot na kayo nang umutot tulog man o gising
Basta huwag na lang po kayong tutula ng pururot
Tungkol sa amin…”
Mas mapanduro ang dura sa Kung Kaya’t Sabay-Sabay Tayong Dumura sa Langit:
“Kung merong Kristianong malinis na malinis
Kung budhing-alkampor ang nakakawangis
Kung merong banal na unang pupukol ng kamatis
Kung kaya’t sabay-sabay na tayong dumura sa langit”
Malupit na parunggit na may ansal pang Laway Pestebal:
“…Hindi na nakakatawa ang paulit-ulit nyong pag-utot…
… Hala! Pataasan tayong dumura sabay-sabay patingala
Palaputan ng plemang sasaluhin ng bunganga…
…Bago at pagkatapos ng Komentularyos:
May laway pa kaya kayong ipaghahambog?…”
Nambabalibol na panulat. Nambubutas. Pasaway na sipat ng isang makatang-tapak. Ulupong na pandama. Dinig ang halinghing at hibik ng kalapati sa hawla o soliloquy ng nakatiwarik na paniki. Sa pagkilatis sa Florante at Laura, swerte namang ‘nagkasakay’ sa bangka ang makatang mangingisda at si Dr. Florentino H. Hornedo. Ayon sa guru:
“The discourse of power, then, in Florante at Laura is the discourse of Command Politics, of Monarchy, of Authoritarianism, of the Divine Right Kingship, which may be benign if headed by a Philosopher-King, but brutal and tyrannical if headed by an Adolfo. For after all, the rule of Adolfo and of Florante in the same Kingdom of Albania is politically rooted in the same politico-social structure differing only in the ethos of the two – one a Platonic philosopher-King, and the other a usurping tyrant. It says plainly: “Keep the structures, change the persons.” In this sense, the pre-Revolution reform movement of the Ilustrados was Balagtasian; and that is what they did after they had killed Bonifacio.
Isinama sa koleksyong ito ang seksyong Sa Hulo’t Liwasan ng Dekada Otsenta, bilang paglingon sa kanyang ‘kabanuan’ na hitik sa mga negatibo at positibong pag-aakalang pampanulaan. Kundanga’y pinuspos niya’t di nasuheto ang ‘poot’ na nakalangkap sa kanyang mga huling obra upanding sarilinin ang masaligutgot na pagdurusang idinulot sa kanya mismo ng realistang pagsisino sa idolo niyang Makata sapul pagkabata. Pero sa kanyang Pahimakas kay Balagtas hindi naampat ang alingawngaw ng kababawang-loob ng isang Kristianong gustong ‘bumait pero hindi magawa:’
“Dinggin yaring awit” na dapat maturol
Ng bawat inapong gapos ng linggatong
Kung dito nalibing ang musa mo Ingkong,
Sa aba mong puntod kami magbabangon.”
Habang kinakalkal niyang parang sakwa ng apulid sa linang ang binhing virus ng mga konkistador na naghelmet ng Kristianismo, determinado ang kanyang panghihikayat:
“Tigilan na natin ang pagsamba sa kung
sino-sinong Bathalang Maykupal. “
Kaya’t lagpas ang Komentularyos sa pagpuksa lamang ng masasamang damo sa pinipinitak para sa kanyang pintuhong ‘Pulitika at Kulturang Maka-Agham.’ Sandamakmak ang tukso, pamahiin, takot, katamaran, pakikisama, karuwagan, kayabangan at kawalanghiyaan. Magkakrus ang balakid na pasan-pasan ng katauhang Pinoy/Kristiano: Kahambugang wala sa lugar at kababaang-loob na paimbabaw. Kambal na sakwa ng Mediocrity. Kabanuan sa obrang bunga ng sinusong pamahiin, aral, asal at gawang altruistiko. Ang mantra ng Kababawang-Loob-Kristiano. Magpasensya ka’t wagi ka sa huli. Dahil kakampi ng maawaing Diyos ang api at mapagtiis. Maipamamata kaya ng mangingisda sa mga pantas sa akademya na hindi pa man ipinapanganak sa labangan ng tupa sa Betlehem ang kanilang Niňo Jesus, meron nang labirinto ng talinghagang hindi masinsay sa puklo ni Ariadneng pinagnasaan ding lutasin ng
mga makata’t pilosopong Griego? Tapat na pagnanasa ang sentrong magneto sa kaibuturan ng makata para malayo siya sa kabanuan. Polite-hypocrisy sa kanya ang ‘sakripisyong-kristiano’. Katunggakan ang konsepto ng sakripisyo; na unahin ang pagiging Makadiyos at ikalawa’y atupagin ang pagtulong sa mahihina at sakitin. Sa ganitong pagpapahalaga, ang natural na katangian ng tao – ang likas na pagpapahalaga sa kapwa ay ginagawang puhunan para makarating sa langit. Nagiging peke ang damdaming makatao sa pagtuturing na investment ang sakripisyo sa paggawa ng ‘mabuti’. Lason sa dugo ng makata ang bribery. Laban sa pantasyang hadlang sa empowerment ng indibidwal para malasap nang sagad-sagaran ang sarap ng pagiging tao. Pero kailangang bukas siya sa pang-uusig ng kritiko’t mambabasa sa kabaduyan at pambabalasubas. Sa huling tuos, kaiga-igaya ang kanyang pananalig:
“Sa persona trinidad ng Homo sapiens
Sex Sining at Agham…”
At para limasin ang katas ng Doctrina Christiana sa mga aral-kristiano ni Kikong-Balagtas, alalaumbaga’y kaura-urali ng dithyrambong mangingisda ang ehemplong Dionysus sa pagtuya sa kakulturahang Vaticano. ‘Nagsangla’ pa mandin ng kaluluwa sa ayudante ni Satanas para turuan siyang tumula ng totoo.
“O Mephistopheles
Na mapagpakana
Download mo ang hibik
Ng Sinta kong Tula
Huwag kang magulat
Kilapsaw ko’y taos
Gusto kong umalpas
Sa kuko ng Diyos”
Ang nasisiguro ni Ka Tomas, paglabas ng Komentularyos, magmaliw man o hindi ang mestisong katuwaa‘t pamimighati, Kristianong Filipino pa rin ang mananaig kung pwede bagang ipanregalo ang libro pagkabasa; o ipambalot ng tinapa? Sabi naman ng iba:
“Ibang Tomas F. Agulto ang sumulat sa Komentularyos, rebelde kay Francisco Balagtas, hindi sinino maging si National Artist Virgilio S. Almario, minaliit ang maraming makata sa panulaang Filipino; iniluklok sa pedestal si Dr. Florentino H. Hornedo at umaming panatiko sa … Kulturang Makabuhay, Makatao at Makamasa ni Gat. Jose Rizal. Bagamat mapakla ang kanyang mga talinghaga at paminsan-minsang nagbubuhat ng sariling bangko, nakaigpaw si Agulto sa ‘kayawa’ ng sinaunang literatura kaya hayaan na lamang natin siyang tumula nang tumula nang tumula bilang Makatang tunay na diyos at manlilikha!”
– Ariel Dim Borlongan
Editor, Premyadong Makata
Kababayan ni Balagtas
“Sa panahong nangingibabaw ang kultura ng mga hari at diyos-diyosan sa panitikan, solo gerilyang pag-atake laban sa idolatriyangVaticano ang heretikong tulambuhay ni G. Agulto sa kanyang Komentularyos.”
– Atty. Fermin Salvador
Makata, State of Illinois
Habilitation Program Coordinator
“Mapakla, mapait at maanghang ang Komentularyos ni Mang Tomas. Bagama’t mahirap lunukin ang kanyang mga hamon, nakapagpapalaya ito ng isipan (laluna sa kabataan)
upang magtanong, maging kritiko at walang takot na ilahad ang kanilang arte at ideya sa nakaambang pader ng mga institusyon.”
-Arvin Acosta
Environmentalist,
Pilosopo, Makata
“Tomas F. Agulto actively participates and strives to lead a reevaluation of the work of Balagtas… Only very few writers of the rural life know grassroots culture, folk wisdom and values, especially in their progressive expressions and manifestations, that will always be part of our nationalist and transformative project. I think it is time that we shift our emphasis from the traditional intellectuals of the academe to the generic, mostly self-taught writers and intellectuals who may have deeper insights to share on Philippine life.
– Alice G. Guillermo, Ph.D,
Professor Emeritus,
University of the Philippines
Maniniwala po ba kayo sa sabi-sabi? Ang tangi pong panawagan ng libro: paglagot sa “tanikalang ginto.” Pagwasak. Wakasan ang idolatria sa buhay, sining at panitikan. Pagkat ang pag-ibig ng makata’y nasa pagtatayo ng parolang moog ng kulturang maka-Agham. Na hindi maitatayo sa Pilipinas kahit sa loob ng isanlibo’t isandaang taon. Gargantuan Gigantic Colossal na proyekto ito para sa mga Filipino. At ang puso ni Agulto’y isa lang munting bato. Kailangan ang barko-barkong tipak ng bato, bakal at semento para maitayo ang moog. Umaasang magkakatotoo, tutula nang tutula ang makata;
masayang aalagatain ang di mapipigilang pagtindig/pagkabuo ng parola bago maubos ang nalalabing 3.5 bilyong taong liwanag ng mortal na araw.
PS:
Sadyang isinulat sa english ang magkabuntot na artikulo sa huling dahon ng libro – Postscript: Literacy from Literature at ang Towards a Culturally Evolved Alternative para sa mga intelektwal na hindi nahirating magbasa sa Tagalog at dukha ang isip sa sariling wika. Kasama rin sa suplemento ang mga tula nina Marcelo H. del Pilar, Jose Rizal, Andres Bonifacio at Emmanuel Lacaba; ang mga realistang makatang inspirasyon ng may-akda. Inaasahang magsisilbi rin itong paalala sa mambabasa na sana’y mahilig at magpakahusay sa Filipino kasabay ng pagpapakadalubhasa sa english; at kung magkagayon – sa pagbasa ng obrang tagalog-filipino’y maging pamilyar sila sa katig, pisote at timon ng baloto; mga integral na bahagi ng kumpit para sa matatag na paglalayag at determinadong pag-ugit ayon sa direksyong ihinuhudyat ng hangin at ng malilisik na bituing katipan ng kapana-panabik na panganib sa pagdaragat – sa buhay, sining at panitikan.
Masayang pagninilay!
Ang May-akda
Novaliches, Quezon City
Hunyo 2011