Kumander Jollibee

Posted in Walang kategoriya on Hunyo 3, 2015 by tomagulto

“Dala ko na po ang pera! Saan ko po ihahatid?”

Nangiti si Ka Julie nang mabasa ang text message. Agad nag-text back.

“Magkano?”

“1 M

“Oks, punta ka sa Jolibee, tapat ng kapitolyo. Text ka agad pag nandun ka na.”

“Wait lang…”

Bumaba sa kanyang motorsiklo si Ka Julie. Nakaternong maong, naka-helmet di mapagkakamalang babae. Patago siyang pumarada sa may paradahan ng mga tricycle. Tiniyak niyang nasa loob na ng Jollibee ang katext, bago siya pumasok. Naghintay siyang hindi mapaka-pakali. Kung maiihi ba siya o matatae. Napaundlot siyang muli nang mag-beep ang kanyang celfon. Isang pindot… isa pa ulit pindot:

“Nandito na po ako sa table sa may corner, malapit sa cashier.” Parang mata ng kuwagong namilog at lumuwa ng konti ang dalawang mata ni Ka Julie nang mabasa ang text message.

Si Ka Julie ay dating tresurera sa isang patay na bayang kanugnog ng Malolos. Patay na bayan. Mapansin-dili pagkat mahina ang pasok ng buwis. Sinasabing bago maugnay si Ka Julie sa kilusan, nagkaroon ito ng kasong estafa sa munisipyo. Nang mahagip sa pag-oorganisa ng mga kasamang nakatutok sa middle forces, naging aktibo si Ka Julie sa paglahok sa mga martsa at rally. Naitoka siyang rekruter sa panggitnang pwersa sa kanilang bayan.

Nang maglaon, saka lamang natuklasan ang solo-solong mudos operandi ni Ka Julie sa pangingikil na sinasangkalan ang partido.

Pagpasok na pagpasok ni Ka Julie sa Jollibee, dalawang alagad ng batas ang karaka-rakang nagposas sa kanya.

Isinama ng mga pulis si Ka Julie sa Camp Alejo, doon na niya nakita ang dalawang kasabwat. Si Ka Boyong, ang naging chairman ng pangkalahatang organisasyon ng mga mangingisda sa probinsya; at isang dating full time organizer na pamangkin mismo ng biktimang kinikikilan nila.

Kasamang inendorso ng pulis ang isang sulat na ebidensya laban kay Ka Julie at sa dalawa niyang kasama.

Maalab na pagbati.

Sa ngalan ng Rebolusyon, kami pong Yunit Kalap-Salapi ng CPP/NDF ay sumulat sa inyo upang ipaabot ang mga hinaing at reklamo ng inyong mga tauhan sa mali ninyong pamamalakad at masamang pagtrato sa uring manggagawa, partikular ang inyong mga trabahador sa kiskisan at palayan. Dahil po dito, gusto naming marinig ang inyong panig.

Magtatakda po kami ng tama at angkop na oras para sa ating pag-uusap. Pansamantala, nangangailangan po ang aming samahan para sa pambili ng armas at pang-opereyt ng mga kasamang tunay na naglilingkod sa Sambayanan.

Alam po namin na ang halagang isang milyon ay di makagigipit sa inyo ngunit napakalaking tulong para sa higit pang ikatatagumpay ng rebolusyon.

Sa lalong madaling panahon, may taong makikipag-ugnayan sa inyo para sa hinihiling naming donasyon mula sa inyo.

Pakatandaan po lamang na itong sulat na ito ay huwag nyong ipaparating kaninuman laluna sa mga alagad ng batas. Sapagkat hindi kami magdadalawang isip na singilin ang inyong kasalanan laban sa masa at laban sa kilusan.

Para sa Bayan.

Ka Julie.

HINDI LAMANG SA TINAPAY NABUBUHAY ANG TAO

Posted in Walang kategoriya on Hunyo 3, 2015 by tomagulto

Hindi lang sa tinapay
Tayo nabubuhay
Oo naman,
Kailangan din ng tao ang sex, kanin at ulam
Kailangan din ng masa ang disenteng bahay
Kailangan din ng kabataan ang edukasyong malaya sa pantasya
Kailangan din natin ang kulturang realista, pranka, matapang
Kailangan din natin ng sining at panitikang makaagham 
Makatao Makamasa Makabayan
Ang hindi natin kailangan:
BIBLIYA

Kuwentularyos

Posted in Walang kategoriya on Hunyo 2, 2015 by tomagulto

Sobrang pobre at hamak ang estado ng mga Makata sa Filipinas.  Hindi mauubos ang mga daliri sa isang kamay kung bibilangin ang mga makata (nabubuhay pa) na nakatutula nang walang virus ng biblikal na kamalayan ni Balagtas.  Sandamakmak na makatang ang pangunahing konsiderasyon at inaatupag sa paglikha ng tula ay pagpapakinis, pagbabali-baligtad ng  mga kataga, parang sirkerong bumabale-balentong sa entablado ng kani-kanilang dakilang imahinasyon.  Mga makatang hinubog ng pormalismong akademiko.  Mga makatang hindi maglalabas ng tula sa FB, dahil para sa kanila, ang pormal at dakilang tula ay para lamang sa libro.

Pero sa panahon ng internet, hindi na lamang mga tradisyonal na literati ang nakapaglalathala ng mga akda.

Wala nang panginoong-editor na magpupulis sa mga makata.   Buking na ang mga Makatang Laway; nakalupagi ang kredibilidad ng mga trapoeta sa panulaang binuburo sa pormalinismo; o sa ismo ng pormalin.

Ang nakatutuwa, maraming mga batang makata na masisipag magpost ng tula sa FB.  Para sa akin,  sila ang hudyat sa pagsisimula ng bagong panulaang iniluluwal ng Web culture.  Bagong panulaang ebolusyonista, realista at  may lalim ng kamalayang makatao at makabuhay.  Maka-Agham at makamamamayan.  Tulang nagpapasaya sa buhay ng tao; hindi ginagawang borloloy sa museum ng estado.

Gusto kong ipost dito ang isang tula ni Jason Tayag, batang makatang taga Plaridel, Quezon.  Nakilala siya ng mga Ka-FB at naging friends kaming dalawa.  Sa kanyang tula, wala nang bakas ng kamandag ng Makatang Laway.

MASYADO

Masyadong masigabo
Ang palakpakan
Nabingi ako
Sa sarili kong talumpati

Masyadong malakas
Ang halakhakan
Nabaliw ako
Sa sarili kong hinala

Masyadong malalalim
Ang salitang aking binitawan
Nalunod ako
Sa bumahang dugo
Mula sa sarili kong ilong

Masyadong mabigat
Ang sarili kong upuan
Nabali ang gulugod ko
Nang aking buhatin

– JASON TAYAG  

DESPEDIDA KAY BALAGTAS

Posted in Walang kategoriya on Hulyo 28, 2012 by tomagulto

DESPEDIDA KAY BALAGTAS

Muling Pagsusuri, Pagkilala at Pahimakas kay Balagtas

KOMENTULARYOS (Ikalawang Edisyon)

Posted in Walang kategoriya on Hulyo 19, 2012 by tomagulto

ADIOS SA VATICAN IDOL!

 

Hateful, blasphemous, prejudiced, vulgar,

rude, or ignorant  remarks are the music

of a free society, and the relentless patter of idiots

 is how we know we’re in one. When all the words

 in our public conversation are fair, good,

and true, it’s time to make a run for the fence.”

–  DANIEL GILBERT

 

Si Francisco Baltazar ang top Vatican Idol sa kakulturahang Filipino. Siya bilang makata ang sentrong target ng KOMENTULARYOS ni Tomas F. Agulto.

Bakit Komentularyos? Palibhasa’y mamamalakaya rin ng mga tao, kakaibang tabas, hubog at sukat ng mata ng lambat ang hinayuma para sa panulaan ng  makatang kababayan ni Balagtas. Kinatnig-katnig niya ang mga komentaryong patula bilang Ars Poetica. Kundanga’y taliwas na taliwas sa doktrinang Kristiano ang kanyang  kuntra-relihiyong paradigm – pansawata sa hibo at impluwensyang pangkaisipan ng nasirang Kikong- Balagtas. 

Gustong burahin ng makatang mangingisda ang pag-aakala na merong  look sa panitikan  na hindi kayang arukin o sobrang kinatatakutan  ng ibang pumapalaot sa literatura. Bakit kasi sasalungatin  ang Kristianong pananaw ng mga kanonigong manong at deboto ni Balagtas: Hermenegildo Cruz, Epifanio de los Santos, Julian Cruz Balmaceda, Lope K. Santos, Teodoro Agoncillo, Virgilio S. Almario et al.  Aba’y 360 degrees na pagbaliktad sa pagsambang ginagawa ng mga panatiko kay Kikoang agenda ni Agulto.Sapagkat hindi lang mababang-uri ang Florante at Laura kundi obrang sobra sama.  Kung  ang  Doctrina Christiana ay nagluwal ng Mahal na Pasyon,  nagkaapo ito ng Florante at Laura; pinakadakila ang dalawang obrang nabanggit sa mga akdang ‘kayawa’ na pulos katas ng mga luma’t panis na karunungan mula sa Bibliya. Pangit. Napaka! Masamang damo itong nagpamulaklak ng mga akdang tabubok. Literaturang napinsala sa hibo ng paurong na kaisipang Kristiano: Tandang Baciong Macunat, Urbana at Feliza; Mga awit at korido:  Moro-moro at kung anu-anong akdang sapal ng pinagsapalan. Mapait pa sa apdo – ang katas ng Mahal na Pasyon at Florante at Laura – ang ipinapangahas na yamang taglay ng Kristiano sa lupa pasaporte biyaheng langit. Sabi nga ni Rizal: GINTO ang turing ng alipin sa posas/pulseras sa kanyang galang. At iyon ang ipinagpuputok ng butse ni Ka Tomas; na sanhi rin ng kabag at nagpapasakit sa kanyang tiyan sa katatawa tuwing nakakabasa ng press release na meron na namang  balagtasan sa book launching, o conference ng  mga kenkoy sa literatura.

Kaya napakapaklang katatawanan sa Komentularyos ang pagsamba kay Balagtas ng sikat na kritikong Virgilio S.  Almario. Ganito ang pamumustura ng National Artist sa Florante at Laura:

“Hindi ako magtataka kung dumating ang panahon na pagkabungkal ng lamang-ugat ng iba pang salitang aking inihanay ay lalong mamukadkad sa atin ang akda ni Balagtas bilang isang munting Tractatus Logico-Philosopichus.”

Gaya-gayang hiramyutiks (hermeneutics) toolkit na pulot yata kay Ludwig Wittgenstein sa pantasyang ipin-down ang relasyon ng wika at realidad sa pamamagitan ng personal na kutob at humahalihawhaw na imahinasyong batayan ng  pagbusisi sa obra.  Pagbungkal ng lamang-ugat? Mga corpus na katagang minumuni-muni? Paghahanay sa mga salitang kaliluhan, lilo, sukab, asal-hayop, taksil na pita…  Ayon kay Almario, kailangan ang makapangyarihang pagbasa? Nagrerekrut si Almario ng referee para mamagitan sa makata at mambabasa? Extra-gastos sa ekonomyang panliteratura. Kung Tagalog ang makata at Tagalog din naman ang mambabasa, paghamak at pangmamata sa babasa. Huwag na!  At ano kaya ang kredensyal ng kritiko?  Ng imported na toolkit? Kahit sa Balagtasismo Versus Modernismo, napakakomportable ng pagkakategorya sa mga makata. Konseptong sabungero: Sapula/Saputi.  Kung Modernista si Alejandro G. Abadilla – Balagtasista naman si Jose Corazon de Jesus. Bagamat may bahid ang naratibo  ng tribyang pulitikal at kasaysayang pang-estado, porma-porma lamang at bahaw na sentimyentong bersopikasyon ang nagsilbing baklad sa paghahati.  Kahit magtangkang sumisid nang malalim, paano babakuran ang look  ng  solipsismo’t imahinasyon ng  mga makatang ikinategoryang Balagtasista at  Modernista. Gahol sa psychological na pagsipat  ang textual na paghahati. Saan manggagaling ang mandate sa paglalagay ng boundary? Sa National Artist? Sa status quo?  Pansinin:  Kung si Batute  ay may romantikong gunam-gunam at pusong Kristianong mangingibig ng pekpek at nasyunalismong pinagtutugmang rekotitos ng  Estado — si AGA naman ang rebeldeng lagalag sa porma at pagpapasiklab. Ano ang anatomikong parametro at timbangan para sa dalawang makata? Lansakang State Nationalism. Reaksyong palliative laban sa malakas, manlulupig, dayuhan at puti, etc. Hindi makapag-isip nang lagpas sa doktrinang Kristiano – kung ano at hanggang saan susundan ang ebolusyong kultural ng tao.  Mga obrang romantiko’t pantastiko para magsilbing borloloy panliteratura sa “Dakilang Liping Kayumanggi” na tatawaging “Hiyas” ng Panitikang Pambansa.  Paradoxical, ganito nahubog ang ating identidad: Xenophobic/Xenophile. Kutkot-kalawang. Mala-kawali.  Maputla ang tiyan, mauling ang puwit. 1) Dogmatikong rejection ng anumang banyaga; 2) Debotong pagsamba sa Lahing-Puti! Epekto ng kolonyalismo’t lupig na kamalayan. Krisis ng ating pagkatao ang mismong bumulag sa mga tradisyunal na scholar. Inuupod ang pagkatao ng self denial, polite-hypocrisy-complex. Kababawang-loob Kristiano.  Kapinoyan. Pinoyness, Filipinoness. Isip-alipin. Lakad-alimango. Ito ang kalibreng Kikonian.  Hindi pwedeng magsalita si Kapitan sa harap ni Mayor; hindi rin pwedeng magsalita si Mayor sa harap ni Gov; lalo namang hindi pwedeng magdisisyon si Gov kung walang signal sa Malacanang. Kikonian paradigm. Sapula/Saputi. Parang magkabilang basyo ng itlog na isinaklob sa tingting sa plorerang plastic sa opisina ng National Archives. Isa’y puti (penoy) isa’y pula (itlog na maalat.) Kambal na itlog. Bayag ng Balagtasismo. Bugok!

Dadakilain sina Balagtas at Batute? Pagpapapusyaw ito sa kalidad ng tula ng rebolusyonaryong makatang tulad ni Emmanuel Lacaba.  Ano pa’t ang padron ng Bagong Formalismong Balagtasyano ang epitome ng panulaang tagalog/filipino na luglog sa paghahalughog sa elegansyang pangwika, porma at borloloy na sinasakluban kunyari ng walang pulitikang pulitika pero marubdob ang linya ng pag-ibig sa nacion o estado at himodismong pagdeskarte sa sinumang Trapong nakapoder.  Kaya ang pagkatas sa mga lamang ugat ng mga katagang Kikonian sa Florante at Laura ay  alinsunod  sa kaisipang ‘dakila, makadiyos, at maka-Filipinas’ para ipakalat-ipauso ang kulturang palasunod sa gobyernong bulok at anti-mamamayan. Mapandaya.  Katulad ng paggamit sa literaturang katas ng Banal na Bibliya ng  mga sinaunang theologians at philologists.  Kung may  batikang National Artist ngayon,  si Balagtas naman ang Vatican artist noon. Mga pakawalang lobo ng mga Hari at Diyos-diyosan. Nagpauso sa panitikan ng estetikong maka-Idolatriya, maka-Hari, maka-Diyos, anti-Tao, bangkarote, panis na sapal ng pinagsapalan.  Pesteng yawa!

 Hindi naman mahirap intindihin ang mga kataga’t talinghaga ni Balagtas kaugnay ng salitang maawaing langit, kahanay ng walang nangyayari sa balat ng lupa, di may kagalingang iyong ninanasa, sugo ng langit kaugnay  ng  hari at reynang walang iniisip, kundi ang magsabog ng awa sa kabig.”

Masama pa nga kung pangunahan ng bait ang mga estudyanteng mambabasa. Madalas kaysa hindi, nakapagliligaw ng isip na parang tiyanak ang ilang kritiko. Lalo pa’t may kabuntot na “respetado at batikan” ang kanilang pangalan.  Sa totoo lang kahit katiting, walang impluwensya ang pagbasang abrakadabra sa obrang mapamahiin at palaasa sa ‘kaloob ng langit’.  

Kailangan ang anatomikong toolkit ng mga kritiko sa  sining at literatura para makatagos sa mukha, laman, buto, kabuuan at kalook-lookan ng anumang anyo ng isang likhang-sining. Anatomiko: balanseng pagbusisi sa tekstong kasalabid sa aktibidad at kaakibat ng buhay-makata. Hahagilapin nito ang mga metaporang organiko at  ‘aral’ o teknikal na sinahod niya sa tradisyon; pati na ang pag-iimbento o pagpapalusog/pagpapasiklab ng makata sa pagtula. 

Anatomikong pagsaklaw sa kasaysayang personal at panlipunang hibo sa adka ng may-akda; sumusuysoy kung albularyo ba ang manunulat sa kinayawang kultura. Galamay ng Status Quo. Tagahimod!  Kikonian!

Ang Tula ay masarap at masustansya, nagpapasigla, nagkakarga ng kalidad/dignidad sa buhay ng Tao.  Hindi ito ‘hiyas’ o borloloy ng isang estadong bulok. Ayaw ng tula sa eleganteng ornamentong kurtina sa dulingas na mata at utak; bagkus, ang tula ay langis ng buhay. Nagpapaluningning sa kahubdan; binubusigsig ang kaano-anohan ng tao at inuurirat ang kabakit-bakitan ng kalikasan; Masipag at tapat na ‘bastos’ ang tula; tahas at bukas sa pag-unlad. Pampalakas-loob. Maka-Buhay at maka-Tao, hindi palaasa sa grasyang isasabog ng hihinda-hindarang Hari at Reynang sugo ng Diyos sa lupa. Sa ganitong panukat:  Kayawa ang Florante at Laura. Pesteng yawang magnum opus!

Ibinubuluntaryong Taraw ang Komentularyos. Itinutundos sa isang panukalang oryentasyon na pagtatayuan ng parola para sa mga kapwa mamamalakayang naglalayag sa laot ng sining at panitikan. Kung nasa angkop na spot ang parola,  hindi basta-basta maliligaw ang mga mamamalakaya. Walang magtatali ng sariling baloto sa komersyal na barko  ng mga  kulturating barbarían laluna’t kung ang kapitan at piloto ay  nagmamatang-manok pagkagat-ng-dilim.  Kung may tumaob na bangka, matuto silang lumangoy; humandang malalad at magpakatatag; may ipasisiwang na opurtunidad ang klima at kalikasan; kahit pawikan o page na maaaring maghatid sa kanya  pabalik sa buralan ng mga kapatid na mamamalakaya; o makarating kaya sa palaw ng mga Badjao sa Sabah, sa El Nido ng Palawan o sa Itbayat ng mga mangingisdang Ivatan. Hangga’t posible, sa pamamagitan ng libro, iwawagayway balang-araw sa parola ang signal na ilaw  ng KOMENTULARYOS. Malisik na liwanag laban sa mapambansot na islogan at bulok na kaisipang dakila, makabayan, makadiyos. Ito ang pondong kaisipan sa panulaang kayawa: dakila, makabayan, makadiyos – Bugok sa dilang Bugok.  Reaksyunaryo. Anti-Tao. Kuntra-Masa.  Sa malao’t madali, igugupo ng  tulang realista, makatao, maka-agham ang bugok na kaisipan at bulok na istilo ng panulaang tagalog/filipino.  

Pansinin ang bahid ng kanyang pamimilosopo’t katusuhan:  Sa mga Makatang Eat All You Can:

 … “Karapatan ninyong kumain nang kumain

      Kakagutom talaga ang paglulubid ng buhangin

      Okey lang umutot na kayo nang umutot tulog  man o gising

      Basta huwag na lang po  kayong tutula ng pururot

      Tungkol  sa amin…”

 

Mas mapanduro ang dura sa Kung Kaya’t Sabay-Sabay Tayong Dumura sa Langit:

 

     “Kung merong Kristianong malinis na malinis

     Kung budhing-alkampor ang nakakawangis

     Kung merong banal na unang pupukol ng kamatis  

     Kung kaya’t sabay-sabay na tayong dumura sa langit”

 

Malupit na parunggit na may ansal pang Laway Pestebal:

    

“…Hindi na nakakatawa ang paulit-ulit  nyong pag-utot…

… Hala! Pataasan tayong dumura sabay-sabay patingala

 

     Palaputan ng plemang sasaluhin ng bunganga…

…Bago at pagkatapos ng Komentularyos:

   May laway pa kaya kayong ipaghahambog?…”

 

 Nambabalibol na panulat. Nambubutas. Pasaway na sipat ng isang makatang-tapak.  Ulupong na pandama. Dinig  ang halinghing at hibik ng kalapati sa hawla o soliloquy ng nakatiwarik na paniki. Sa pagkilatis sa Florante at Laura, swerte namang ‘nagkasakay’ sa bangka ang makatang mangingisda at si Dr. Florentino H. Hornedo.  Ayon sa guru: 

 “The discourse of power, then, in Florante at Laura is the discourse of Command Politics, of Monarchy, of Authoritarianism, of the Divine Right Kingship, which  may be benign if headed by a Philosopher-King, but brutal and  tyrannical if headed by an Adolfo. For after all, the rule of Adolfo and of Florante in the same Kingdom of Albania is politically rooted in the same politico-social structure differing only in the ethos of the two – one a Platonic  philosopher-King, and the other a usurping tyrant.  It says plainly: “Keep the structures, change the persons.”  In this sense, the pre-Revolution reform movement of the Ilustrados was Balagtasian; and that is what they did after they had killed Bonifacio.

 

Isinama sa koleksyong ito ang seksyong  Sa Hulo’t Liwasan ng Dekada Otsenta, bilang paglingon sa kanyang ‘kabanuan’ na hitik sa mga negatibo at positibong pag-aakalang pampanulaan. Kundanga’y pinuspos niya’t di nasuheto ang ‘poot’ na nakalangkap sa kanyang mga huling obra upanding sarilinin ang masaligutgot na pagdurusang idinulot sa kanya mismo ng realistang pagsisino sa idolo niyang Makata sapul pagkabata.  Pero sa kanyang Pahimakas kay Balagtas hindi naampat ang alingawngaw ng kababawang-loob ng isang Kristianong gustong ‘bumait pero hindi magawa:’

         “Dinggin yaring awit” na dapat maturol

           Ng bawat inapong gapos ng linggatong 

           Kung dito nalibing ang musa mo Ingkong,

           Sa aba mong puntod kami magbabangon.”

           

Habang kinakalkal niyang parang sakwa ng apulid sa linang ang binhing virus ng mga konkistador na  naghelmet ng Kristianismo, determinado ang kanyang panghihikayat:

           

Tigilan na natin ang pagsamba sa kung

            sino-sinong Bathalang Maykupal. “

 

            Kaya’t lagpas ang Komentularyos sa pagpuksa lamang ng masasamang damo sa pinipinitak para sa kanyang pintuhong ‘Pulitika at Kulturang Maka-Agham.’ Sandamakmak ang tukso, pamahiin, takot, katamaran, pakikisama, karuwagan, kayabangan at kawalanghiyaan. Magkakrus ang balakid na pasan-pasan ng katauhang Pinoy/Kristiano: Kahambugang wala sa lugar at kababaang-loob na paimbabaw. Kambal na sakwa ng Mediocrity.  Kabanuan sa obrang bunga ng sinusong pamahiin, aral, asal at gawang altruistiko. Ang mantra ng Kababawang-Loob-Kristiano. Magpasensya ka’t wagi ka sa huli. Dahil kakampi ng maawaing Diyos ang api at mapagtiis. Maipamamata kaya ng mangingisda sa mga pantas sa akademya na hindi pa man ipinapanganak sa labangan ng tupa sa Betlehem ang kanilang Niňo Jesus, meron nang labirinto ng talinghagang hindi masinsay sa puklo ni Ariadneng pinagnasaan ding lutasin ng

mga makata’t pilosopong Griego? Tapat na pagnanasa ang sentrong magneto sa kaibuturan ng makata para malayo siya sa kabanuan. Polite-hypocrisy sa kanya ang ‘sakripisyong-kristiano’. Katunggakan ang konsepto ng sakripisyo; na unahin ang pagiging Makadiyos at ikalawa’y atupagin ang pagtulong sa mahihina at sakitin. Sa ganitong pagpapahalaga, ang natural na katangian ng tao – ang likas na pagpapahalaga  sa kapwa ay ginagawang puhunan para makarating sa langit. Nagiging peke ang damdaming makatao sa pagtuturing na investment ang sakripisyo sa paggawa ng ‘mabuti’.  Lason sa dugo ng makata ang bribery. Laban sa pantasyang hadlang sa empowerment ng indibidwal para malasap  nang sagad-sagaran ang sarap ng  pagiging tao.  Pero kailangang bukas siya sa pang-uusig ng kritiko’t mambabasa sa kabaduyan at pambabalasubas.  Sa huling tuos, kaiga-igaya ang kanyang pananalig:

 

“Sa persona trinidad ng Homo sapiens

              Sex Sining at Agham…”

 

At para limasin ang katas ng Doctrina Christiana sa mga aral-kristiano ni Kikong-Balagtas,   alalaumbaga’y kaura-urali ng dithyrambong mangingisda ang ehemplong Dionysus sa pagtuya sa kakulturahang Vaticano. ‘Nagsangla’ pa mandin ng kaluluwa sa ayudante ni Satanas para turuan siyang tumula ng totoo.

           

“O Mephistopheles

Na mapagpakana

Download mo ang hibik

Ng Sinta kong Tula

           

Huwag kang magulat

Kilapsaw ko’y taos

Gusto kong umalpas

Sa kuko ng Diyos”

 

                        Ang nasisiguro ni Ka Tomas, paglabas ng Komentularyos, magmaliw man o hindi ang mestisong katuwaa‘t pamimighati, Kristianong Filipino pa rin ang mananaig kung pwede bagang ipanregalo ang libro pagkabasa; o ipambalot ng tinapa?  Sabi naman ng iba: 

 

“Ibang Tomas F. Agulto ang sumulat sa Komentularyos, rebelde kay Francisco Balagtas, hindi sinino maging si National Artist Virgilio S. Almario, minaliit ang maraming makata sa panulaang Filipino; iniluklok sa pedestal si Dr. Florentino H. Hornedo at umaming panatiko sa … Kulturang Makabuhay, Makatao at Makamasa ni Gat. Jose Rizal. Bagamat mapakla ang kanyang mga talinghaga at paminsan-minsang nagbubuhat ng sariling bangko, nakaigpaw si Agulto sa ‘kayawa’ ng sinaunang literatura kaya hayaan na lamang natin siyang tumula nang tumula nang tumula bilang Makatang tunay na diyos at manlilikha!”

 

                         Ariel Dim Borlongan

                         Editor, Premyadong Makata

                         Kababayan ni Balagtas

 

“Sa panahong nangingibabaw ang kultura ng mga hari at diyos-diyosan sa panitikan, solo gerilyang pag-atake laban sa idolatriyangVaticano ang heretikong tulambuhay ni G. Agulto sa kanyang Komentularyos.”

 

                           – Atty. Fermin Salvador

                           Makata, State of Illinois

                           Habilitation  Program Coordinator

 

 

“Mapakla, mapait at maanghang ang Komentularyos ni Mang Tomas. Bagama’t mahirap lunukin ang kanyang mga hamon, nakapagpapalaya ito ng isipan (laluna sa kabataan)

upang magtanong, maging kritiko at walang takot na ilahad ang kanilang arte at ideya sa nakaambang pader ng mga institusyon.”                      

 

                          -Arvin Acosta

                          Environmentalist,

                          Pilosopo, Makata                                 

                                                        

“Tomas F.  Agulto actively participates and strives to lead a reevaluation of the work of Balagtas… Only very few writers of the rural life know grassroots culture, folk wisdom and values, especially in their progressive expressions and manifestations, that will always be part of our nationalist and transformative project.  I think it is time that we shift our emphasis from the traditional intellectuals of the academe to the generic, mostly self-taught writers and intellectuals who may have deeper insights to share on Philippine life.

  

     – Alice G. Guillermo, Ph.D, 

                          Professor Emeritus,

                          University of the Philippines

  

             Maniniwala po ba kayo sa sabi-sabi?  Ang tangi pong panawagan ng libro: paglagot sa “tanikalang ginto.” Pagwasak. Wakasan ang idolatria sa buhay, sining at panitikan.  Pagkat ang pag-ibig ng makata’y nasa pagtatayo ng parolang moog ng kulturang maka-Agham. Na hindi maitatayo sa Pilipinas kahit sa loob ng isanlibo’t isandaang  taon.  Gargantuan Gigantic Colossal na proyekto ito para sa mga Filipino.  At ang puso ni Agulto’y isa lang munting bato. Kailangan ang barko-barkong tipak ng bato, bakal at semento para maitayo ang moog. Umaasang magkakatotoo, tutula nang tutula ang makata;

masayang aalagatain ang di mapipigilang pagtindig/pagkabuo ng parola bago maubos ang nalalabing 3.5 bilyong taong liwanag ng mortal na araw.

 

PS:

             Sadyang isinulat sa english ang magkabuntot na artikulo sa huling dahon ng libro – Postscript: Literacy from Literature at ang Towards a Culturally Evolved Alternative para sa mga intelektwal na hindi nahirating magbasa sa Tagalog at dukha ang isip sa sariling wika. Kasama rin sa suplemento ang mga tula nina Marcelo H. del Pilar, Jose Rizal, Andres Bonifacio at Emmanuel Lacaba; ang mga realistang makatang inspirasyon ng may-akda.  Inaasahang magsisilbi rin itong paalala sa mambabasa na sana’y mahilig at magpakahusay sa Filipino kasabay ng pagpapakadalubhasa sa english; at kung magkagayon – sa pagbasa ng obrang tagalog-filipino’y maging pamilyar sila sa katig, pisote at timon ng baloto;  mga integral na bahagi ng kumpit para sa matatag na paglalayag at determinadong pag-ugit ayon sa direksyong iImagehinuhudyat ng hangin at ng malilisik na bituing katipan ng kapana-panabik na panganib sa pagdaragat – sa buhay, sining at panitikan.     

 

Masayang pagninilay!

 

Ang May-akda

Novaliches, Quezon City

Hunyo  2011

BUHAWI SA BANGKETE

Posted in Walang kategoriya on Hulyo 19, 2012 by tomagulto

DRAMA DE UN PÁJARO
(Saludo sa Isang Hall of Famer sa Palanca)

1
Pumupusturang Agila ang Uwak

2
Ambisyon kasi’y mataas matayog na lipad

3

Tinawag nya ang sariling Mandaragit ng Pag-ibig

4
Kaya kahit munting pipit tinutuka nya sa puwit

5
Tapat syang kaalyansa ng Kuwago Kalapati at Buwitre

6
Para merong nanakawing dugot laman araw gabi

7
Gabi’t araw hindi pansin ang balahibo kung malagas
Buntot tuka  ay naupod pati kuko ni Gat Uwak
Paa’t pakpak nirayuma’t hindi na po makalipad

8
Tumanda syang nag-iisa’t pati huni’y mapanglaw rin
Taghoy niya pakiwari’y puting tagak na magiting
Nag-ulyaning nag-iisa’t pati ipot niya’y kinain

9
At dumating nang mapanghi ang suwapang na sandali
Huling punong dinapuan ni Gat Uwak ay lagundi
Tumiwarik po sa sanga’t tiwarik din kung umiihi

10
Sampung hilik niya’t hibik pati ungol
Tila pusang naglalampong
Tila asong kumakahol

11
Sumisinok sa paghikbi
Tila baklang Tikbalang na naonse
At ang punggok palang ulo’y

Sa

   !
    ki  

     in

       aP

 

UYAYI SA LIBING

 

1

Perfect crime

Dinuran ko siya nang apat

Na tinggang pako bago ko iniwan

 

2

Bumaon sa noo

Tumusok sa pagitan ng bayag

Tumarak sa magkabilang balikat

 

3

Pakrus

Tagus sa pinakasalaulang sulok

Ng kanyang pribadong kahayupan

 

4

Waray-batasan

Tulaero siyang gradweyt 

Sa Pandewang  Elementary School

 

5

Drop-out sa Bicutan Detension School of Music

Bumagsak nang fulltime sa Practical Nursing

Sa Biyenang-Lupa Bara-bara Arts & Drop-in Center

 

6

Naging Marxi-Marxista

Nang makatikim ng ibang puke

Nag-advocacy ng Kikismo Sexual Revival Theory:

 

7

Demokratisasyon ng puday

 

8

Sumusulat

Tumutugma nagrerecite bokalista

Prolipiko’t nakikihipo sa camera

 

9

Huling project niya’y

Pinakagrabeng land grabbing:

Datu Tadhana Versus the Republic of the Philippines 

 

10

May krimeng

Ikaririmarim ng isang ultra-pusakal na kawatan

Ikakahiya ng isang ultra-kapal-muks na magnanakaw

 

11

Transparent Murder

Umid sa dilang Umid

Ang aking pagkasuklam

 

12

Hallelujah

Hallelujah

Style Bulok

 

13

Taong Bugok

Uk-ukin  ka ng mga uod

Kalahok ang lason at latak ng aking pagkapoot

SI TOMAS F. AGULTO, Sa Pagbabanyuhay ng Kanyang Panulaan

Posted in Walang kategoriya on Hunyo 3, 2012 by tomagulto

Image “Ang babait nila!” ang wari’y natutuwang sambit ng isang “master writer” sa U.P. Writers Workshop noong nakarang taon.  Tinutukoy niya ang bagong pangkat ng mga “middle writer” na tinatayang pagmumulan ng mga “master writer” sa susunod na henerasyon.

Nanahimik lang ba ang binasbasan?

Taliwas sa ganitong “orkestadong” pagsasalin-lahi na anupa’t nakabatay sa pagpapatuloy ng “canon” ng mga arsobispo sa U.P. Creative Writing Institute, nanawagan si Resil Mojares sa kumperensya ng PEN noon ding nakaraang taon na “guluhin” ang larangang pampanitikan na sa tingin niya’y napakapanatag, isang anomalya sa katangian ng pagsusulat bilang pala-usig at kritikal sa status quo, laluna sa palalang pagkabulok ng umiiral na sistemang panlipunan sa Pilipinas.

At si Tom?  Siya mismo ay “nanggulo” noong 2009 sa okasyon ng pagpaparangal sa kanya ng UMPIL sa pamamagitan ng Gawad Pambansang Alagad ni Balagtas.  Sukat na manawagan ng “gyera sibil” ng mga manunulat at artista laban sa lahat ng pantasya sa ekonomya, pulitika at kultura sa halip na magpagamit bilang instrumento ng panlilinlang.  Touché!

Itinuring niya ang kanyang aksyon bilang  “…protestang pampanitikan laban sa kulturang balasubas at sapal-ng-pinagsapalan.  Protestang laban sa panunuya at pambibitag.  Protesta laban sa sining na mababaw at kulturang paimbabaw ng mga Pastol at Tupa sa Panitikang Pambansa.”

Isinunod ni Tom ang mahabang diskurso sa Internet tungkol sa panitikan at lipunan, na nagbunga ng mainit na debate sa pagitan niya at mga kasalungat sa kanyang pusisyon.         

At ngayon nama’y inilulunsad niya ang isang munting koleksyon, KOMENTULARYOS: Despedida Kay Balagtas –  mga bagong tula laban sa pantasya. Nakahilera bilang target ang sa palagay niya’y sanhi ng “pagkabugok” ng pulitika at kultura ng bansa: mga taong-palaka sa gubyerno, kabalbalan ng Kristyanismo, masmidya, pantasyador historyador, ultra-Balagtasista, “trapoeta,” atbp.  At muli niyang ibinabangon ang dangal ng mga bayaning Andres Bonifacio, Emilio Jacinto, Marcelo del Pilar, Jose Rizal at Emmanuel Lacaba.

Madaling ibilang ang ganitong mga tula – marahas, nanunuya, putulputol parang panggatong – sa tinatawag na “politika ng poot” ng isang akademik-teknokrat/”Ma+Kata” na nakakadumi raw sa pader ng pamantasan at kailangang takpan ng pinturang puti (ala-Marcos!).  Kaylayo nga naman sa naunang mga tula ni Tom na hinangaan ng bansag-sa-sariling Idolo ng Bayan, tulad sa linyang ito:  “Lagi na’y kailangan kong gumising ng maaga.” (Mula sa tulang may ganito ring pamagat.)

Pero si Tom na rin ang nakadiskubri na pinipigil/ikinukubli ng ganitong pagka-malumanay ang malalaking kontradiksyong panlipunan.  Nakasentro ang mga kontradiksyong ito sa sumunod niyang mga tula bilang aktibista, na ginawang ehemplo ng mga tulang “hindi mabuti” dahil hindi pumapasa sa istandard ng “Espasol”/”New Critical.” At ano naman ang “mabubuting” tula? Ito raw ang mga tulang walang bagaheng pulitikal, isang tunguhing alinsunod sa “walang pulitikang pulitika.” (Demott, 2003)

Sa kasalukuyang koleksyon, ang kalapastanganan ng mga tula ay ehersisyo sa paghahanda para sa pinakasentrong tula, ang “Paglalayag,”  isang mahabang tulang may 14 seksyon tungkol sa pagiging makata, hindi bilang isang unibersal/pangkalahatang nilalang kundi bilang Tomas Agulto, ang “ako.“ Hindi ang “ako” ni Alejandro Abadilla” o ang “ako” sa “Si Pablo Neruda at Ako” kundi ang “ako” ng isang ipinanganak sa Hagonoy, Bulacan at dumaan sa buhay-pamamalakaya at sa kasalukuyang panahon ng rebolusyon at kontrarebolusyon. Hindi ang gawa-gawang persona ng makata kundi ang mismong pagkatao niya bilang makata sa mahaba-haba  na rin namang panahon.

Kailangang hanapin ang dahilan ng ganitong paggigiit sa pagiging makata, sapagkat sa kasalukuyang pormasyong panlipunan, ang kategoryang “makata” ay kabilang sa hindi kinikilalang sektor/subsektor/propesyon/hanapbuhay/titulo. Gayon din naman sa Estados Unidos: minsa’y humarap si Allen Ginsberg sa korte bilang testigo sa isang kaso tungkol sa civil disobedience, at nang tanungin kung ano ang kanyang okupasyon, hindi kinilala ng huwes ang kanyang sagot –“Makata” –at dinismis ang kanyang testimonya!  Sa Estados Unidos at Ingglatera, panandalian lamang ang upisyal na istatus (nasa plantilya ng U.S. Congress Library, unibersidad o Buckingham Palace) bilang poet laureate o poet-in-residence na syempre’y tumutula para sa establisyemento.

Kung walang istatus, ano ang pangingilagan?   Nasa makata na kilanlin ang kapangyarihan ng tula at itakda ang karapatan at kapangyarihan niya sa panulaan at lipunan; ang batis ng kanyang lakas at pag-ibig; ang layon at target ng pakikipagtuus.

Hinaharap ng makata ang ganitong mga katanungan sa “Paglalayag.” Ito mismo’y isang katangi-tanging bagay dahil hindi ganitong hamon ang itinatakda ng mga premyadong makata sa sarili at mambabasa.      

Naiiba rin ang tula sa buong korpus ng panulaang Pilipino: sa pambihirang pagkakataon, ang dagat ang lunan ng pagpapakahulugan sa pagkilos ng makata sa buhay at lipunan. Nasa pagtugpa sa dagat ang batas ng kontradiksyon at pag-unlad:

Kailangan ng paraw sumayaw pasalunga

Sa mga alon upang makapaglayag at makapalaot

Asahan ang uliuli

Mabagsik

Walang-paki

Patay o buhay

Matira ang matibay

Ito nga ang mabunying paglalayag ni Tom Agulto, na ang pinagsimula’t patutunguhan ay pinagbibigkis sa dialektika ng pagkakaisa ng magkasalungat: ang “Saan po ba kayo galing?” at “Saan ako pupunta” ay magsing-kahulugan.

Ilang dantaon ng kasaysayan at sibilisasyon ang namamagitan sa pasimulang aubade at sa aubade ng pagtatapos/muling pagpapasimula?

Ano pa nga ba ang papel ng pantasya dito?!*#@!?/#&

 

Gelacio Guillermo

25 Peb 2011

 

 

                                                                                                                                                                                           

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

%d bloggers like this: