SI TOMAS F. AGULTO, Sa Pagbabanyuhay ng Kanyang Panulaan

Image “Ang babait nila!” ang wari’y natutuwang sambit ng isang “master writer” sa U.P. Writers Workshop noong nakarang taon.  Tinutukoy niya ang bagong pangkat ng mga “middle writer” na tinatayang pagmumulan ng mga “master writer” sa susunod na henerasyon.

Nanahimik lang ba ang binasbasan?

Taliwas sa ganitong “orkestadong” pagsasalin-lahi na anupa’t nakabatay sa pagpapatuloy ng “canon” ng mga arsobispo sa U.P. Creative Writing Institute, nanawagan si Resil Mojares sa kumperensya ng PEN noon ding nakaraang taon na “guluhin” ang larangang pampanitikan na sa tingin niya’y napakapanatag, isang anomalya sa katangian ng pagsusulat bilang pala-usig at kritikal sa status quo, laluna sa palalang pagkabulok ng umiiral na sistemang panlipunan sa Pilipinas.

At si Tom?  Siya mismo ay “nanggulo” noong 2009 sa okasyon ng pagpaparangal sa kanya ng UMPIL sa pamamagitan ng Gawad Pambansang Alagad ni Balagtas.  Sukat na manawagan ng “gyera sibil” ng mga manunulat at artista laban sa lahat ng pantasya sa ekonomya, pulitika at kultura sa halip na magpagamit bilang instrumento ng panlilinlang.  Touché!

Itinuring niya ang kanyang aksyon bilang  “…protestang pampanitikan laban sa kulturang balasubas at sapal-ng-pinagsapalan.  Protestang laban sa panunuya at pambibitag.  Protesta laban sa sining na mababaw at kulturang paimbabaw ng mga Pastol at Tupa sa Panitikang Pambansa.”

Isinunod ni Tom ang mahabang diskurso sa Internet tungkol sa panitikan at lipunan, na nagbunga ng mainit na debate sa pagitan niya at mga kasalungat sa kanyang pusisyon.         

At ngayon nama’y inilulunsad niya ang isang munting koleksyon, KOMENTULARYOS: Despedida Kay Balagtas –  mga bagong tula laban sa pantasya. Nakahilera bilang target ang sa palagay niya’y sanhi ng “pagkabugok” ng pulitika at kultura ng bansa: mga taong-palaka sa gubyerno, kabalbalan ng Kristyanismo, masmidya, pantasyador historyador, ultra-Balagtasista, “trapoeta,” atbp.  At muli niyang ibinabangon ang dangal ng mga bayaning Andres Bonifacio, Emilio Jacinto, Marcelo del Pilar, Jose Rizal at Emmanuel Lacaba.

Madaling ibilang ang ganitong mga tula – marahas, nanunuya, putulputol parang panggatong – sa tinatawag na “politika ng poot” ng isang akademik-teknokrat/”Ma+Kata” na nakakadumi raw sa pader ng pamantasan at kailangang takpan ng pinturang puti (ala-Marcos!).  Kaylayo nga naman sa naunang mga tula ni Tom na hinangaan ng bansag-sa-sariling Idolo ng Bayan, tulad sa linyang ito:  “Lagi na’y kailangan kong gumising ng maaga.” (Mula sa tulang may ganito ring pamagat.)

Pero si Tom na rin ang nakadiskubri na pinipigil/ikinukubli ng ganitong pagka-malumanay ang malalaking kontradiksyong panlipunan.  Nakasentro ang mga kontradiksyong ito sa sumunod niyang mga tula bilang aktibista, na ginawang ehemplo ng mga tulang “hindi mabuti” dahil hindi pumapasa sa istandard ng “Espasol”/”New Critical.” At ano naman ang “mabubuting” tula? Ito raw ang mga tulang walang bagaheng pulitikal, isang tunguhing alinsunod sa “walang pulitikang pulitika.” (Demott, 2003)

Sa kasalukuyang koleksyon, ang kalapastanganan ng mga tula ay ehersisyo sa paghahanda para sa pinakasentrong tula, ang “Paglalayag,”  isang mahabang tulang may 14 seksyon tungkol sa pagiging makata, hindi bilang isang unibersal/pangkalahatang nilalang kundi bilang Tomas Agulto, ang “ako.“ Hindi ang “ako” ni Alejandro Abadilla” o ang “ako” sa “Si Pablo Neruda at Ako” kundi ang “ako” ng isang ipinanganak sa Hagonoy, Bulacan at dumaan sa buhay-pamamalakaya at sa kasalukuyang panahon ng rebolusyon at kontrarebolusyon. Hindi ang gawa-gawang persona ng makata kundi ang mismong pagkatao niya bilang makata sa mahaba-haba  na rin namang panahon.

Kailangang hanapin ang dahilan ng ganitong paggigiit sa pagiging makata, sapagkat sa kasalukuyang pormasyong panlipunan, ang kategoryang “makata” ay kabilang sa hindi kinikilalang sektor/subsektor/propesyon/hanapbuhay/titulo. Gayon din naman sa Estados Unidos: minsa’y humarap si Allen Ginsberg sa korte bilang testigo sa isang kaso tungkol sa civil disobedience, at nang tanungin kung ano ang kanyang okupasyon, hindi kinilala ng huwes ang kanyang sagot –“Makata” –at dinismis ang kanyang testimonya!  Sa Estados Unidos at Ingglatera, panandalian lamang ang upisyal na istatus (nasa plantilya ng U.S. Congress Library, unibersidad o Buckingham Palace) bilang poet laureate o poet-in-residence na syempre’y tumutula para sa establisyemento.

Kung walang istatus, ano ang pangingilagan?   Nasa makata na kilanlin ang kapangyarihan ng tula at itakda ang karapatan at kapangyarihan niya sa panulaan at lipunan; ang batis ng kanyang lakas at pag-ibig; ang layon at target ng pakikipagtuus.

Hinaharap ng makata ang ganitong mga katanungan sa “Paglalayag.” Ito mismo’y isang katangi-tanging bagay dahil hindi ganitong hamon ang itinatakda ng mga premyadong makata sa sarili at mambabasa.      

Naiiba rin ang tula sa buong korpus ng panulaang Pilipino: sa pambihirang pagkakataon, ang dagat ang lunan ng pagpapakahulugan sa pagkilos ng makata sa buhay at lipunan. Nasa pagtugpa sa dagat ang batas ng kontradiksyon at pag-unlad:

Kailangan ng paraw sumayaw pasalunga

Sa mga alon upang makapaglayag at makapalaot

Asahan ang uliuli

Mabagsik

Walang-paki

Patay o buhay

Matira ang matibay

Ito nga ang mabunying paglalayag ni Tom Agulto, na ang pinagsimula’t patutunguhan ay pinagbibigkis sa dialektika ng pagkakaisa ng magkasalungat: ang “Saan po ba kayo galing?” at “Saan ako pupunta” ay magsing-kahulugan.

Ilang dantaon ng kasaysayan at sibilisasyon ang namamagitan sa pasimulang aubade at sa aubade ng pagtatapos/muling pagpapasimula?

Ano pa nga ba ang papel ng pantasya dito?!*#@!?/#&

 

Gelacio Guillermo

25 Peb 2011

 

 

                                                                                                                                                                                           

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

%d bloggers like this: