EMAIL PARA KAY KUYA CESAR NG PANULAANG FINOY

Mahal naming Kuya Cesar,

Magandang araw po.
Una sa lahat, hayaan ninyong ipabatid ko sa inyo:
Kayo po ang paborito kong makata.
Kaya po ako nag-email ay para humingi ng payo
Kung ano ang tama at mali sa pagsusulat.
Paano po ba ang pormal at wastong pagsusuri sa akda?
Ano-ano ang dapat at hindi dapat?
Sino-sino po ang dapat ko lang purihin?
At sino-sino po ang dapat ko lang banatan?
Ano po sa inyong pakilasa kung makaisip ako ng bagong salita?
Elegante po kaya ang aking pamimili-Fino?
Halimbawa:
Trapoeta
Kulturang-Makahari
Utak-Tupa
Katas-ng-pinagsapalan
Kung dagdagan ko po ba ng isa pang K ang kabaliktaran
Ng Utak-Tupa at gawin kong Katuk-Patu
Ok po ba sa inyo?
Utak-Pato / Katuk-Topa?
Mas komplikado, pero elegante, mas profound. Di po ba?

Kilala ko po ang inyong idol sa pagtula (na idol ko rin)
Na sinasabi ninyong pinakamagaling sa lahat.
Si Rio Alma a.k.a. Virgilio S. Almario.
Pagpasensiyahan po ninyo – hindi ako sumasang-ayon na siya ang namber wan.
Nagkakamali po kayo.

Ikaw ang numero uno.

Sa totoo lang, pag binabasa ko po kapwa ang inyong mga akda
Imposibleng mahalata kung sino ang nanggagaya kanino.
Kung teksto ang pagbabatayan,
Nakauungos po ang inyong mga hulagway, larab at lawas.

Nakakahiya po, sobrang over talaga
Ang echolalia sa panulaang Filipino.

Hanggang dito na lang at taos-puso po akong nagpapasalamat
Sa mga payo ninyong pampanitikan.

Sana’y hindi ninyo ikalaki ng ulo ang aking paghanga nang malabis.

Harinawang pagkalooban kayo ng malalim na pag-iisip ng Poong Maykupal.

Itaga nyo na lang po sa otab ang aking username:

Tomaso Kritikastro

6 Tugon to “EMAIL PARA KAY KUYA CESAR NG PANULAANG FINOY”

  1. sadya po bang kailangag magbitaw ng maputik at mala amoy-kanal na taguri?
    kung maaari namang maipahayag ng tumpakan ang nais iparating ng walang halong kimikal at asidong pupugnaw sa maayos na kalatas?
    ipagpaumanhin po ninyo kung akong “hinliliit ng daliri” ay nagtatanong
    sa katulad ninyong ika nila’y hinlalato o hintuturo ng tulang filipino.

    • ang aba ninyong lingkod ay makatang biktima ng isang literaturang mapanghamak sa maliliit, isang literaturang ginagawang borloloy ng status quo para maging panitikang tinatawag nilang “hiyas” ng lahi. anumang ibansag sa akin hinlalaro o hintuturo, gagamitin ko po ang natural, realista at makataong pananalinghaga kahit mahapdi, kuntra sa anaesthesia ng mga eleganteng kataga, kailangan po natin ang eleganteng sensibilidad at pag-iisip at tapat na panukala, hindi po kami naniniwala na merong elegante at sa kabilang banda ay may kalatas na walang halong kimikal aat asidong pupugnaw sa maayos na kalatas, kung ano po ang matitira at mauunawaan, okey lang po kung me asido o anumang salitang hindi elegante , naniniwala po kami na sa mga tunggalian, ang magwawagi ay tayong lahat, para sa mambabasa at para sa pagsulong ng literaturang realista… literaturang makatao, realista, para sa mga nabubuhay, literaturang maka-Buhay!

      • maaari pong sa ngayon ay hindi ko pa kayo lubos na maunawaan sa mga paggamit ninyo ng salitang di pa maaaring “isubo” sa mga menor-de-edad sapagkat salat pa ako sa pagkaalam ng inyong istorya-biografika at di ko pa talos ang lalim ng pinag-ugatan ng inyong sentimiento. maaari din pong isinasaalang-alang pa ang “murang isipan” ng mga batang makakabasa ng inyong akda. sang-ayon po ako sa kalayaan ng panitikan na siyang buhay ng pagiging makatao’t makabayan subalit tama rin po ba na magkaroon din ng disiplina gaya din po na ang bawat katotohanan at buhay ay may kalakip na responsibilidad?

  2. nagkakaisa po tayo kung pag-uusapan ang pagharap sa responsibilidad, pero sa konsepto ng disiplina, may sarili pong sentido kumon ang mambabasa na mahirap pagpanukalaan kung paano ididisiplina ang buhay ng may buhay, ang disiplina po na waring gusto ninyong ipaalala sa literatura ay disiplina na parang merong mga diyos na nakakaalam ng tama at mali, ng wasto at palpak, tungkol sa kung sino ako, nasabi ko na sa inyo, kabilang ako sa mga ordinaryong tao na biktima ng literaturang mapagmarunong… wala po akong mataas na edukasyong sukat matutunan ko ng mga disiplinang ipinag-aalala ninyo na dapat ituro sa kabataan, pero tinitiyak ko po sa inyo na simulang matuto akong lumangoy mulang 3 – 5 taong gulang, humarap ako sa responsibilidad sa sarili at responsibilidad na tumulong sa mga kababatang muntik-muntikanang malunod sa malalim na ilog. hindi po ako kabilang sa mga kulturati sa akademya,,, at baka nga oras na para malaman ninyo na ang makatang ito ay hindi nagkaroon ng diplomang binayaran sa mga institusyong pang-edukasyon sapagkat hindi po pinalad na maidaos ang pangarap na makatapos dahil sa iba’t ibang responsiblidad. Marahil ay malulubos na ang inyong pagkilala sa mga ordinaryong taong tulad namin, na malayo sa pakilasa at disiplina ng mga kulturating mabilis humusga sa kalidad ng kapwa tao lalo’t ang mga pangalan at apelyido ay may kabuntot na Phd… etc…

    • mapusyaw at malabnaw ang pag-iisip ng kung sinumang manhuhusga sa tao dahil lamang sa kakapusan ng edukasyon o pinag-aralan. ang ganang akin po lamang ay ang responsibilidad ng isang manunulat/makata sa pagbibitaw/pagbabahagi ng mga salita sa kaniyang mambabasa/tagapakinig. huwag po ninyong ipagkamali na inaaglahi ko ang may-akda sapagkat ako man ay gaya po ninyo na isang karaniwang tao na basal pa sa lalim ng literatura’t panitikan. sa pagbasa ng inyong tula ay mayroon akong nagtatalong kritikong-diskursyong pansarili lalo na’t naaalaala ang maaaring maging kahantungan ng mga ginamit ninyong verbos sa mga menor-de-edad na mambabasa. sa isip ko,komo’t kabataan pa,maaaring akalain nilang natural o pede nilang gamitin ang “di kanais-nais” (kupal,puta,etc.) na salita sa pakikipagtalastasan.malawak at malalim po ang inyong akda na kung maaari po sana ay maiakma rin sa nagsisimulang-sibol. salamat po! =)

  3. marami pong salamat sa inyong pagpapaalala at pangungunang-bait para sa kabataan, nawa’y makatulong ang ating mga diskusyon sa para literaturang Maka-Buhay! Maka-Tao, Maka-Masa. Mabuhay ka, Aling Ligaya

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

%d bloggers like this: