Ang Bugtong sa Panulaang Tradisyon

ni Florentino H. Hornedo

(Paumanhin at pagpapasalamat sa may-akda,  Dr. Florentino H. Hornedo sa paglalathala ng sanaysay na ito nang walang pasabi  – hangad lamang ng kuntrakrusada ang magbahagi sa mambabasa ng mga impormasyong sa ganang amin ay nakatutulong sa pagtuklas ng mga bagong karunungan at nagpapasibol ng mga kaisipang maka-agham para sa  pagyabong ng buhay at kulturang makatao at makamamayan.)

Sana’y makatutulong ito sa pagtuturo at panunuring pampanitikan sa larangan ng mga tradisyong Filipino. – may-akda

ANG salitang “tradisyonal” ay madalas ginagamit bilang masaklaw na pantawag sa isang napakalawak na bahagi ng oraturang aborihinal ng Filipinas. Dahil dito minarapat kong ituon na lamang ang paglalahad at talakay sa isang elemento ng tinatawag na “panulaang tradisyonal”-ang bugtong sa panulaang tradisyonal.

Ngunit bago talakayin ang nabanggit na paksa, kailangang tingnan muna ang konteksto nito sa kasaysayang tematiko ng oratura at literatura ng Filipinas.

Sa tsart ang salitang “tradisyon” ay sumasaklaw sa anim sa pitong tematikong daloy; at ito’y dahil sa anim na ito ay nagtataglay ng mga elementong patuloy na isinasalin ng panahon sa bawat henerasyon ng mga makata hanggang sa kasalukuyan. Ang bawat isa’y may taglay na “pamana” na siyang tinutukoy ng salitang “tradisyon” (salitang nagmula sa salitang tradere sa Latin na ang katuturan ay “paglilipat” o “pagsasalin” mula sa matanda patungo sa bago). Ngunit sa talakay na ito, tinutukoy ng salitang “tradisyonal” ang panulaang nagmula sa salimbibig o oratura-ang pasalitang sining na isinaletra ng ilang mga misyonerong Espanyol sa kanilang mga vocabulario at artes de la lengua mula noong ika-16 hanggang ika-19 na daantaon (vid. B. Lumbera, Tagalog Poetry ), o noong mga huling bahagi ng ika-19 na dantaon ng Filipinistang tulad ni Don Isabelo de los Reyes (“Biag ni Lam-ang”). Sa ganitong pakahulugan, sinasaklaw lamang ng talakay na ito ang panulaang tradisyonal na sumibol sa panahon ng unang apat na tradisyon: mula sa Aborihinal hanggang sa Nasyonalista I. At tinutukoy dito hindi lamang ang pagkatradisyonal ng mga tulang babanggitin kundi ang pagka-fokloristiko nito. At dahil fokloristiko ay may sariling mga katangiang sosyo-lingguwistiko at estetiko, kung hindi man poetiko.

Ang Bugtong sa Panulaan

Pinahahalagahan ng mga sinauna’t tradisyonal na lipunan ang karunungan at malawak na kaalaman. Makikita ito sa kanilang organisasyong panlipunan na karaniwang nagiging mga kagalang-galang at madalas na nagiging lider ng bayan ang mga marunong at pantas. At isa sa palatandaan ng karunungan at pagkapantas ng isang tao ang kaniyang malawak na kaalaman na makikita sa kaniyang mayamang bokabularyo at kahusayan sa paghahabi ng mga salita at pagkamakata. At isa sa mga paboritong kasangkapang pampanulaan ng mga makata ng bayan ay ang matulaing paggamit ng bugtong-na di-malayo sa tinatawag na “metapora” sa panulaang Europeo.

Ang bugtong ay walang iba kundi ang pagbibigay ng isang bahagya o suhestibong larawan sa pamamagitan ng pagbanggit sa isang kilalang bagay na nagsisilbing pantukoy at panghalip din sa isang lihim o di-hayag na tao o bagay. Ang lihim o di-hayag na tao o bagay na tinutukoy nito ang siyang inaasahang mahulaan o makilala ng tagapakinig (o mambabasa kung sakali at nakasulat).

1. Balabal ng aming hari.
Kulay ay sari-sari

2. Bituing marikit
Sa gabing madilim.

Tingnan ang dalawang halimbawang ito. Ang una ay malinaw na karaniwang bugtong. Kapag sinabi na ito’y tumutukoy sa “bahaghari,” tapos na ang usapan; ngunit ang ikalawa, bagaman kinakailangang makilala kung ano/sino ang tinutukoy na “Bituing marikit/ Sa gabing madilim,” hindi natatapos ang usapan sa identipikasyon. Ang kaibhan, samakatwid, ng karaniwang bugtong sa bugtong na pampanulaan ay ito: ang una ay humahangga lamang sa identipikasyon ng bagay na pinahuhulaan, ngunit ang bugtong na pampanulaan naman ay hinuhulaan upang ang identipikasyon nito ay maging lunsaran ng higit pang mayamang pag-unawa sa pahatid ng tula. Maaaring sabihin na ang karaniwang bugtong ay tulang balbal, samantalang ang bugtong na pampanulaan ay bugtong na matayog.

Ang Sosyo-lingguwistika ng Bugtong at Tula

Sumisibol ang mga bugtong at tulang tradisyonal sa kandungan ng mga siksik, at madalas ay maliliit, na pamayanang etniko. Sa mga bayang ito, karaniwang iisa ang daloy ng mga karanasan at pinagsamahang kasaysayan ng lahat ng mamamayan. Sa bugtungan man o sa panulaan-lalo na sa karaniwang pananalita t pakikipag-usap ng mga magkababayan sa isa’t isa-ay hindi kailangan sabihin ang lahat. Ang mga puwang ng pampamayanang pananalita ay likas na pinupunan ng pinagsamahang karanasan o kaalaman. Halimbawa, ang pakikinig sa kumbersasyon ng dalawang taong kapapanood lamang ng isang sine. Kung pag-uusapan nila ang kanilang pinanood, hindi nila kailangang sabihin ang lahat. Sapat na ang mga pira-pirasong salita para sa isa’t isa. Ngunit ang hindi pa nanood ay mahihirapang bumuo ng tiyak at malinaw na idea tungkol sa kaniyang maririnig mula sa dalawa.

Ang nakikinig lamang na hindi naging kasama sa panonood ay katulad ng isang mambabasa o tagapakinig sa isang tulang tradisyonal na gumagamit ng mga salita o metapora na may natatanging kahulugan at kabuluhan para sa bayang katutubo. Ito ang dahilan kung bakit nahihirapan ang tagalabas na mambabasa sa pagtatangkang maunawaan nang lubos ang mga tulang tradisyonal. May “culture shock,” wika nga. At ito rin ang dahilan kung bakit ang isolationist na paglipat sa panulaang tradisyonal ay hindi mabunga. Kaya ang pormalismo ay hindi sapat para sa pag-aaral ng panulaang tradisyonal. Kinakailangan talaga ang kontekstuwalistang pamamaraan ng pag-aaral at pagsusuri sa ganitong uri ng panulaan. Halimbawa, ang “Leron Leron Sinta”:

Leron leron sinta, umakyat sa papaya,
Dala-dala’y buslo, sisidlan ng sinta;
Pagdating sa dulo, nabali ang sanga
Kapos-kapalaran, humanap ng iba.

Hindi ito tula na maaaring ipagmalaki ni Longinus ( On the Sublime ), ngunit ito’y halimbawa ng isang tradisyonal na tula (at awitin din) na sa unang tingin ay tulang pambata o nursery rime , ngunit kung titingnan sa mahigit na mapanuring pagtingin ay may pagkabugtong-maraming bagay ang dapat alamin o liwanagin. Tunay bang papaya ang inakyat? Bakit “sinta” ang ilalagay sa “buslo”? Kung hindi tunay na puno ng papaya ang inakyat, ano? Nang mabali ang sanga, may kinapos-palad. Sino siya? At dahil sa kasamaang-palad na nangyari, may “maghahanap ng iba.” Sino ang maghahanap, at sino itong ibang hahanapin? Mahirap sagutin ito ng tagalabas, ngunit ang katutubo sa bayang pinagmulan nito, malamang, ay hindi mahihirapan sapagkat ang pinagsamahang karanasan at kasaysayan ng mga mamamayan doon ang pumupuno sa mga puwang na pinagmumulan ng mga naunang nabanggit na tanong.

Hindi kaya awitin ito tungkol sa isang mangingibig na umakyat ng ligaw (“dala-dala’y buslo, sisidlan ng sinta”) na hindi nagtagumpay (“pagdating sa dulo, nabali ang sanga”), kaya kailangang “humanap ng iba”? Seryoso kaya ang tono ng tulang ito? O pabiro na ang layunin ay pagtawanan ang kabiguan ng iba tulad ng madalas mangyari sa maliit na bayan-na walang tagumpay o kabiguan na maitatago sa pag-usyoso ng mapanudyo, at madalas ay mapagbirong bayan? Hindi ba’t ito ang dahilan kung bakit ang musika nito ay allegretto ?

Sa unang tingin, ang isang akda ay likha ng isang tao na tiantawag nating “may-akda.” Ngunit sa malalim na pagsusuri sa henealohiya ng isang akda, maraming bagay ang nagtulong-tulong sa paglikha at pagsilang ng isang akda. Sa penomenolohiya, sinasabi na walang lantay na kamalayan sapagkat ang kamalayan ay laging pagkakamalay tungkol sa isang namamalayan. Sa madaling sabi, may sinasabi ang isang makata dahil may sasabihin at may pagsasabihan. At ang mga obhetibong sangkap ng daigdig ng manunulat ay may determinatibong ambag sa paglikha ng akda. Ito ay implikado sa mga teoryang pampanitikan na tulad ng Dialogicism, Reader-response theory , Semiotika, Hermeneutika, atbp. At ano naman itong “namamalayan” na ipinahahayag o ipinahihiwatig ng isang tula o bugtong sa tula? Dito pumapasok ang paghula sa bugtong. Ang mga teorya ay mga punto de-bista o pananaw na pinagmumulan ng direksiyon ng pagtunghay o pagtanaw sa sinasabi o kabuluhan ng akda. Sa Florante at Laura , mababasa ang sumusunod:

Sa loob labas ng bayan kong sawi,
Kaliluha’y siyang nangyayaring hari

Nang basahin ito ng mga Espanyol na nanunungkulan sa gobyerno dito sa Filipinas noong 1838, ang mga lilo “sa loob at labas” ng Espanya ay ang mga Karlista o ang mga kampon ni Don Carlos de Borbon na noon ay nagtatangkang umagaw sa trono ng Espanya mula kay Reyna Isabel II. Nakita nila sa kuwento ni Prinsesa Laura at Konde Alfonso sina Prinsesa / Reyna Isabel II at Don Carlos de Borbon na siyang lilo laban sa lehitimong reyna.

Iba naman ang naging dating ng nabanggit na tula sa mga Filipino na noon ay hindi maláy sa mga kontrobersiyang peninsular ng Espanya. Nakita lamang nila sa nabanggit na awit ang dinamika ng pang-aapi at kaapihan-na ang mang-aapi ay Espanyol at ang inaapi ay ang katutubo. Sa magkaibang hula, naging magkaiba ang tugon  –  pinayagan ng mga Espanyol na ilathala ang Florante at Laura , at nang mabasa ito ng Filipino ay ikinamulat niya sa kaniyang kaapihan na siyang ikinagalit naman laban sa Espanyol! Iisang akda, dalawang hula/basa, at magkasalungat na resulta. Ito ay dahil sa bawat panghuhula / pagpapakahulugan, taglay ng humuhula / nagpapakahulugan ang sarili niyang bagaheng pangkultura, ang kaniyang mga prehuwisyo at pananaw na likha ng kaniyang mga natatanging kasaysayan at personalidad. Kalakip na rin sa bahaging iyan ang lahat ng tinanggap niyang pamana mula sa kaniyang kinagisnan o pinamamayanang lipunan. At ito rin ang dahilan kung bakit ang bawat interpretasyon ay may taglay na pakahulugang panlipunan. At hindi pansarili lamang. Mababakás sa pag-iisip ng indibidwal ang kamalayan ng kaniyang lipunan.

Ito ang dahilan kung bakit sa panulaang kosmopolitano na hindi tiyak ang mambabasa o audience , hinihingi ang ganap na “objectification of subject” at “subjectification of object.” Itinuturing na kahinaan ng isang tula ang kawalan o kakulangan ng symmetry ng dalawang ito. Ang kawalan ng symmetry ay lumilikha, wika nga, ng isang siwang o disjunction na mahirap lagyan ng tulay ayon sa New Criticism at sa lahat ng mga teoryang pormalistiko.

Ngunit sa panulaang tradisyonal sa kanilang orihinal na bayan at kulturang pinagmulan ay hindi kailangan ang mga tulay. Ito ay dahil ang mga pinagsamahang kasaysayan at karanasan at mga tradisyong pangkalinganan at panlipunan ng pamayanan ang siyang pumupuno sa bawat siwang o disjunction sa pagtatalastasan sa bayan. Ang lahat ng oratura sa mga tradisyonal na pamayanang ito ay walang iba kundi mga ekstensiyon lamang ng pang-araw-araw na komunikasyon at pakikipaglaban sa isa’t isa ng mga mamamayan. Kaya ang panulaang tradisyonal ay isinisilang mula sa sinapupunan ng lipunan ay hindi sa kapirasong papel na nakipagtalik sa pluma.

Ang Bugtong sa Panulaang Tradisyonal

Upang mabigyan ng ganap na kaliwanagan ang mga kaisipang nabanggit sa itaas, tingnan ang isang tradisyonal na tula mula sa isang kultura at pamayanang tiyak kong hindi kilala ng karamihan. Sa pamamagitan nito ay sikaping danasin ang pagkabugtong ng tula, lalo na ang tulang tradisyonal.

NU NUNUK DU TUKUN
(Mula sa pag-awit ni Catalina Faronilo Hontomin)

Nu nunuk du tukun, minuhung as kadisi na;
ichapungpung diya am yaken u nilawngan na.
Kapaytalamaran ava su avang di idaud
ta miyan du inayebngan na, ta miyan du inajebngan na.
Nu itanis ko am nu didiwen ko.
ta nu taw aya u suminbang diyaken;
nu maliliyak a pahung as maheheyet a riyes
u minahey niya-u minahey n’ya diyaken.

[ANG NUNUK SA BUNDOK

Ang nunuk sa bundok ay yumabong at nagkasanga;
nang sanga nito’y nabali ay sa akin bumagsak.
Sa kinatatayuan ay hindi matanaw ang mga saakyang-dagat
dahil ako’y nasa kubling pook, dahil ako’y nasa kubling pook.
Ako’y tumatangis dahil sa hapding dinaramdam.
gawa ng karagatan ang aking pagkaulila;
ang maingay na daluyong at malalakas na agos
ang naghatid-ang naghatid ng balita sa akin.]

Sa unang tingin sa lirika ng tulang ito, napakarami ng mga cipher , mga salitang tagô ang kahulugan at tulad ng mga clue sa isang bugtong. Nariyan ang puno ng “nunuk” (isang ispesi ng ficus) na mukhang napakagratuitous, walang lohikong dahilan kung bakit ito ang punongkahoy na napiling gamiting sagisag. At bakit kinailangang sa bundok pa tumubo ang punong ito? Ano ang kabuluhan ng pagyabong nito, at pagkakaroon ng sanga? Bakit nabali ang sanga? At bakit sa persona pa ng tula bumagsak ang sanga? Ano ang sinasabi nito? Ang sagot sa mga tanong na ito at sa marami pang tanong na kaugnay ng iba pang mga cipher sa tula ay naiiba sa mga sagot sa bugtong. At ang mga susi sa mga cipher na iyan ay ang kaalaman at karanasang pangkasaysayan ng lipunang pinagmulan ng tulang ito. Ang tulang ito ay may kaugnayan sa isang sakunang pangkaragatan noong taong 1908 nang lumubog sa dagat Balintang ang sasakyang dagat (avang sa Ivatan) na Alegria . Sa sakunang ito namatay ang maraming magdaragat at pasaherong Ivatan, kasama roon ang aking lolo sa ama, si Vicente Hornedo, at ang asawa ng umawit ng tulang ito, na si Andres Hontomin.

Ngayong alam na ang ilan sa mga kabuluhan ng ilang clue, nagsisimula nang magkaroon ng tiyak na sagot sa mga misteryosong sangkap ng tula. Ngunit hindi pa lubos na maliwanag ang lahat dahil impormasyong pangkasaysayan pa lamang ang natuklasan. May mga kumbensiyong pampanulaan at estetika na may kinalaman sa tulang ito ang kailangang alamin. At dahil ang tulang ito ay nagmula sa kulturang Ivatan, doon lamang malalaman ang mga nabanggit na kumbensiyong pampanulaan na siyang magbibigay-liwanag sa sinasabi ng tula.

Sa panulaang Ivatan, malayang pumili ang makata ng kaniyang mga gagamiting sagisag upang tukuyin ang anumang bagay o taong kaniyang ibig tukuyin. Ngunit kumbensiyonal at malimit na ginagamit sa panulaang Ivatan, lalo na sa tradisyon ng laji, ang paggamit ng mga ibon at halaman bilang stand-in para sa mga tao. Ito ay malinaw na katotohanan mula sa estrukturalistang pag-aaral sa nabanggit na tradisyon. Ito’y isang uri ng eufemismo at pag-iwas sa deretsahang pangungusap na itinuturing na di-magalang.

Samakatwid, ang nunuk ang asawang namatay sa dagat noong 1908. Ang sanga ay ang kanilang supling na, nang mabalo si Aling Catalina, ay naging “pasanin” kung baga, sapagkat nag-iisa na siyang magpalaki ng kanilang anak. Tunay ngang ginawa siyang ulila ng dagat. At dahil walang nakaligtas sa sakunang iyon, walang nagbalita kundi ang trahikong sama ng panahon-sa matulaing salita, “ang maiingay na daluyong at malalakas na agos.”

Alalahanin lamang na hindi bugtong ang lahat ng tulang tradisyonal. Sinikap lamang talakayin dito ang isa sa mga sangkap o elemento ng ating panulaang tradisyonal. Sana’y makatutulong ito sa pagtuturo at panunuring pampanitikan sa larangan ng mga tradisyong Filipino.

4 Tugon to “Ang Bugtong sa Panulaang Tradisyon”

  1. Madaling unawain, direkta sa punto, walang malisyang istilo ng pagsulat, maka-agham…

    inaanyayahan po ang mga kritiko at manunulat na maglahad ng opinyon at puna.

    salamat po,

    tomagulto

  2. Kwentula Marino Says:

    Masustansya! sa kalakaran o sinasabi na hindi nga dapat maglagay ng petsa sa kanilang mga tula dahil ito daw ay ‘timeless’ pero sa akin malaking tulong din ang paglalagay nito para sa darating na panahon ay matukoy kung bakit nalikha ito.

    sa huli, mayaman ang ating kultura!

  3. salamat. nagamit ko to sa report ko. salamat ng madami.

  4. Magpasalamat po tayo kay Dr. Florentino H. Hornedo

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

%d bloggers like this: