TAPOS NA ANG PANAHON NG PAGSASARANGGOLA
Nasaan ang mga batang henyo
Lahat nang pilosopo’y nagkunwaring
Magalang sa karunungan
Kaya inindorso ang bugtong ni Daedalus
At naging popular na sermon
Nang wala naman talagang lubusang nakatatarok
Namamatay lang nang namamatay
Ang lahat ng scholar at guro
Baon sa hukay ang kani-kanilang hakahaka
Panghuhula yabang at pigil na pagkatakot
Takot na hindi mabubulok
Habang pinagtsitsismisan
Ng mga kulturantado ang abo ni Icarus
Nasaan pa ang mga supot
Nasaan kayo mga kupaling subersibo
Kayong lahat ng mamamalakayang
Namamalik-mata sa liwanag ng gasera
Ni Pilosopong Tasyo
Mananatili ba kayong nangingimbulo
Sa nektar ng buhay at kamatayan ni Apo Rizal
Ang gamugamong umakit at nagpalagablab
Sa kadakilaan ng Supremo Maypagasa
Tapos na ang panahon ng pagsasaranggola
Tuliin ang ama ng primitibo’t baog na doktrina
Ang ibig kong sabihi’y magsimula
Lumikha tayo ng sari-sariling blog
Nang walang template ng Latin
Mula sa Griegong pag-aakala
Connecting…
Disyembre 3, 2011 Sa 5:13 hapon
Salamat sa pagbubukas isipan. Mukhang di na umusad ang pilosopiya at agham sa pag-inog ng mga dekada. Kailangang ugain at pigain ang pagkamalikhain ng kabataang Pinoy.
Disyembre 3, 2011 Sa 10:22 hapon
hindi ka nag-iisa arvin, marami kayo, ituloy ang pamimilosopo
Disyembre 5, 2011 Sa 7:32 umaga
naglimutan ko na nga lang ang nagwika ‘ang pilosopiya pa nga ang nakasasagka….’