“Gawing maayos ang kabuktutan at hahangaan, at magkakaroon pa ng maraming kakampi…”
-Simoun “Ang Filibusterismo”
“… the traditional intellectual has become increasingly marginalized. A 1950s education in Freud, Marx, and modernism is not a sufficient qualification for a thinking person today. Indeed, the traditional American intellectuals are, in a sense, increasingly reactionary, and quite often proudly (and perversely) ignorant of many of the truly significant intellectual accomplishments of our time. Their culture, which dismisses science, is often nonempirical. It uses its own jargon and washes its own laundry. It is chiefly characterized by comment on comments, the swelling spiral of commentary eventually reaching the point where the real world gets lost.”
- John Brockman, “The New Humanist”
“We have now reached another cultural terminus… A flute is not only dead, it is void of experience of any kind.”
- Brian Goodwin, Biologist
Kailan po kayo huling nagpahigop o nagdiskarga ng septic tank? Apatnapu hanggang limampung taon ang nakakaraan, ang masang Pilipino’y tumatae sa lilim ng mga punong kawayan, sa pilapil, sa ilog, sa riles ng tren, sa gabay ng tulay sa karsada o kahit saang gilid, likod at sulok sa loob at labas ng bakuran. Uso rin ang pagtae sa papel, ibinabalot na parang pansit at itinatapon kung saan may espasyo – sa basurahan o sa bakanteng lote. Bahala na kung darating ang trak ng kolektor ng basura.
Limampung taon lang pala ang kailangan para mamulat ang marami na ang tae ay pinagmumulan ng sakit. Maipagmamalaki natin sa buong mundo na puwersado ngayon ang pamilyang Pinoy na isama sa plano ang inodoro sa pagtatayo ng bahay gaano man kasikip ang ating home sweet home.
Teka muna, hindi pabrika ng inodoro o negosyo ng orinola ang paksa ko sa artikulong ito. Tungkol po ito sa panulang Tagalog na naging panulaang Finoy. Panulaang pinaglunoy sa ilog ng polusyong ikinakalat ng mga Balagtasista at post-Modernistang makata. – na may malaking kinalaman sa pagpapahalaga sa buhay ng isang bansang namumukod sa pagiging Kristiano at konting porsiyentong Kamusliman. Ang artikulong ito’y ituring na pangarap para sa isang kalinangang sisibol mula sa pozo negra.
Dahil masyadong malawak ang polusyon sa kalinangang Finoy – para masapol ang paksa ng dumi sa ating paniniwala at kaasalan sa buhay – isesentro ko na lang ito sa literatura at partikular sa panulaan – at sa kamandag ng impluwensiya ng makata bilang ahente o mersenaryo ng polusyon. Binibigyan natin ng kaukulang pansin laluna ang mga Imperyalistang Mananagalog sa akademya.
Ang usaping ito, bagamat kahiya-hiya at katawatawa ay sintomas ng sakit ng literatura. Tanda sa kababawang mag-isip ng di kokonting manunulat. Kung saan nagmula ang sanhi – talamak na sakit ang usaping itong pinagmumulan ng polusyon sa isip – na ang bunga’y metapisikal na pamumuhay at kalinangang sarado-Katoliko-Kristiano. Bininyagan ko ang natuklasan kong “mother of all viruses na “Holy Bible.” Bitbit ito ng mga mersenaryong kampun ng Vatican na alalay ni Magelan at Legazpi nang pasukin at lupigin ang ating kapuluan.
Ang mapaminsalang virus ay naisasalin hindi sa nakabukang sugat – hindi sa hininga -hindi sa laway o halik, kundi sa salita. Naipapasa sa pamamagitan ng misa, book launching, bookstore, akademya, simposyum, workshop, balagtasan, panayam at lumalagos sa massmedia – at sa mga komperensiyang panliteratura – laluna ang mga timpalak, grant, publikasyon. At ang mabisang tagapagkalat ng mikrobyo ay mga ebanghelista, manunulat at makata.
Sa mutasyon ng mga viruses, nagsulputan ang mga organisasyong panliteratura. Sama-sama, iba’t ibang pangkat na parang maaamong tupa; ngunit maiingay na pato kapag nagtatalu-talo o nagdidibate. Sa prinsipyong kami-kami, kayo-kayo, bayanihan ng mga kulto versus kulto. Aaminin kong masimbuyo ang aking paglalahad, at maipapaunawa ko lamang kung ano ang dahilan at kung bakit – marahil – ay sa kabuuan ng aking mga tinitipong tula at sanaysay tungkol sa tingin ko’y kanser sa literaturang Filipino. Hangad ko’y lunas sa karamdaman; ito ang sentrong laman ng “Kuntra Krusada” Laban sa Kultura ng mga Hari.
Nagpupuyo ang aking krusada sa usaping kung paano inilagay sa balag ng alanganin o kahihiyan ang pagdakila sa Florante at Laura at pagtuturing kay Balagtas na Dangal ng Lahi. Kumbakit kuntra ito sa sulong na pag-iisip, kuntra sa progresibong buhay at panitikan. Minabuti kong araling maige ang usaping ito, sa tapat kong hangaring mailigtas natin ang mga sarili – sa katatawanan at kahihiyan mula sa despalinghadong pagkilala sa negatibo at positibo – ng makaagham kuntra metapisikal na pagpapahalaga sa buhay at panitikan. Sa teksto at sa gawa. Sa akademya at sa lansangan. Sa party at sa bahay. Tulog man o gising, alumpihit man sa higaan, naghihilik, nananaginip. o kahit nakalutang sa balumbon ng salapi at sa dumadanak na sipon at tulong-laway. Gusto kong maging hamak na manananggal ng sarili nating nagtututong na muta na naging kulaba.
Huwag po kayong basta-basta mag-iinit ng ulo kung salungat sa inyong nakamulatan ang aking pakilasa. Paulit-ulit po akong nakikiusap at nagmumungkahi ng hinahon, kababaang-loob at sentido kumon para maiwasan natin ang tuluyang pagkalat ng virus sa kabataan. Kailangan ang maraming whistle blowers sa ating panitikan – para hindi maligaw ng landas ang kabataang makata at manunulat na naghahanap ng ehemplo para maging dakila o parangalang National Artist balang araw. Walang personalan. Ito’y istoryang pampanitikan na batay sa ebidensiya hindi tsismis.
Sino ang ehemplo? Sa totoo lang, hindi kailangan ng isang pam-Phd’ng disertasyon para makilatis nang mabuti ang mga sikat na manunulat na kumakatawan sa panulaang Finoy. Halimbawa ay ang kontrobersya ng karerang pampanitikan ni Virgilio S. Almario A.K.A. Rio Alma.
Bakit natin babatuhin ang isang mataas na punong mangga – kung hindi marami kasing bunga?
Hindi kukulangin sa sandosenang libro ng tula at sanaysay – mga salin at coffe table book, ang nasa display ng National Bookstore at Powerbooks ang mga akda ng National Artist na si Almario. Napakakapal na at bolyum-bolyum na ang libro ni Rio Alma. Ayon nga kay Roberto T. Anonuevo:
“Naniniwala ako na si Rio Alma pa rin ang pinakamahusay na makatang Filipino sa panahong ito, na pandaigdigan ang kalibre o husay, at maaaring ilaban o ipusta kahit sa premyo Nobel [Nobel Prize]. Ang problema sa mga bumubuo ng Nobel ay maaaring walang pasensiya ang mga ito na basahin ang lalim at lawak ng pananalinghaga ni Rio, na banyaga sa kanilang hinagap lalo’t nagmumula siya sa isang munting arkipelago sa Timog Silangang Asya. Nauuna sa kaniyang panahon si Rio Alma bilang makata, at ang kaniyang pagkamakata’y laging nakaugnay sa kaniyang tinubuang bayan samantalang handang sumagap sa anumang maihahain ng daigdig. Kahanga-hanga rin ang kaniyang bisyon sa panulaang Filipinas, na hindi ko natagpuan sa iba pang makata ng kaniyang henerasyon.”
“Kailangang tuklasin muli si Rio Alma bilang makata. At magagawa natin ito sa pagbabasa ng kaniyang mga aklat na naghihintay lamang na buklatin.”
Sana nga’y magkatotoong manalo sa Nobel si Rio Alma, kaya lamang si Anonuevo na rin ang nagduda sa kakayahang umunawa at pasensyang magbasa ng mga hurado ng Nobel - sa malalim at malawak na tulain ni Rio Alma. Sayang, pero mismong si Anonuevo na rin ang unang humahamak sa pagkakaugnay ni Almario sa minamahal niyang bayang Filipinas. Kung may kakatawan sanang Finoy na maging hurado sa Nobel, yung may kakayahang magpasensya at hindi lalaitin ang Inang Bayang pinagmulan din ni Anonuevo.
Kay Anonuevo pa lang, bagsak na si Rio Alma.
Sang-ayon po kami, kay Anonuevo, basahin natin ang lawak at lalim ng poetika ni Rio Alma.
Nagsimulang sumikat si Rio Alma – at/o Virgilio S. Almario – bilang kritiko mula sa University of the East kasama nina Roger Mangahas at Lamberto E. Antonio – tinawag nila ang sariling grupo na Tungkong Kalan sa panulaan. Sila ang pasimunong “rebeldeng” makata laban sa mga makaluma at umiiral na Balagtasismo noon sa Panulaang Tagalog.
Ngunit sa kabilang pampang ng ilog na kinatatayuan ni Anonuevo, hayag ang mga dokumento ang matatalim na puna kundi man pagkondena kay Almario ng kanyang mga “kaaway” na kritiko sa kasaysayan at literatura. Nasa mga sanaysay ni Gelacio Guillermo ang pagtuligsa sa poetika at moralidad ng primera klaseng makata at National Artist. Malalim na naikintal ni Guillermo ang detalye ng pagiging Marcos loyalist ni Almario. Ganito ang bahagi ng paliwanag ni Guillermo sa pagiging kuntra-rebolusyunaryo ni Rio Alma:
“Tinangkang salungatin ni Almario ang ganitong pagsulong ng rebolusyong pangkultura noong 1982 (“Ang Makata sa Albanya: Isang Pagsusuri sa Tulang Makabansa”) at inulit noong 2000 (“Kapag Isinangkot ang Pagtula: Ang Panulaang Filipino tungo sa Bagong Milenyo”). Sa panulaang Pilipino, si Almario ang tagabandila ng “pag-iiba ng paksa.” Hindi lang iyan: siya ang pangunahing tagatuligsa ng kasalukuyang panulaang bahagi ng tinatalikuran/pinagtataksilan niyang “mahabang tradisyon ng panlipunang pakikisangkot ng panulaang Filipino.” http://www.bulatlat.com/news/5-44/5-44-paksa.htm
Masigasig din sa pagdudukumento ang mandudulang si Reuel Molina Aguila sa mga naging “krimen” ni Rio Alma bilang kadreng pampanitikan at nangungunang rebelde sa panulaang Tagalog o Filipino. Kompleto si Aguila ng mga clippings sa diyaryo ng “paid ad” ng COALITION OF WRITERS and ARTISTS for FREEDOM and DEMOCRACY (COWARD) na pirmado ng grupo ni Almario bilang suporta kay Marcos laban sa mamamayang sumuporta sa isang “Biyudang tanga at walang alam sa politika”.
Bukod sa mga panayam ni Aguila hinggil sa isyu laban kay Rio Alma, naglathala din siya sa kanyang blog sa multiply ng tindig hinggil sa kontrobersiyal na isyu kaugnay ng posisyon ni Almario kung bakit hindi karapatdapat si Carlo J. Caparas na makabilang sa prestihiyosong parangal pambansa. Aniya:
“Isang Presidential Proclamation ang Gawad Pambansang Alagad ng Sining (National Artist Award). Dito nagmumula at dito nagtatapos ang mga argumento, ang Pangulo ng Pilipinas ang may huling salita sa gawad na ito.”
” Noon pa man, mula nang likhain ito ng Unang Ginang Imelda Marcos at Pangulong Fedinand Marcos, sa panahon ng Batas Militar, hanggang sa kasalukuyan, ang mga Pangulo at mga tagapayo nila ang siyang nagtatakda kung sino ang mababasbasan.”
“Kayat hindi ko maunawaan kung ano ang ating ipagpuputok ng butsi sa isa na namang “kontrobersyal” na pamimili ng National Artist.”
“Noon pa man, kontrobersyal na ang gawad na ito. Batay na rin sa adhika ng gawad na ito, maitatanong natin sa mga biniyayaan ng papuring ito: sino sa mga National Artist na ito ang TUNAY na may pambansang pagtanggap? contributed in building a Filipino sense of nationhood? respect and esteem from peers?
“Sa 58 National Artist, iilan lang ang tunay na makatutugon sa pamantayang ito. Karamihan sa mga ito ay hindi kilala labas sa makikitid at matatayog na ivory tower nila. Karamihan sa mga ito ay mismong kasangkot sa pagwasak sa lipunan at dignidad ng Filipino, lalo na noong panahon ng Batas Militar. Karamihan sa mga ito ay nabibilang sa mga mumunti ngunit maingay na paksyon na sila-sila rin ang nakikinabang sa biyaya ng pangulong siyang inaasahan nilang babasbas sa kanila rin.”
“Kayat ano ang “dangal” na ibabalik sa gawad na ito?”
Para mabasa nang buo at makita ang “ebidensiya” na clippings ni Aguila, mangyaring iklik ang:
http://reuelmolinaaguila.multiply.com/photos/album/48/Sa_inyong_maglilibing_sa_National_Artist_Award
Kaugnay pa rin ng isyu, nang magtatapos ang nagdaang Agosto, sa kainitan ng debate kung karapatdapat bang National Artist si Carlo J. Caparas, pinamunuan ni Rio Alma ang pangkat ng Concerned Artists of the Philippines sa panalangin “laban sa masasamang budhi” bilang protestang idinaos sa CCP complex nakaraang buwan ng Agosto laban kay Cecile Guidote Alvarez at Carlo J. Caparas para di makasama sa mga dakilang National Artists. Si Aguila na miyembro din ng CAP, ay di nakapagpigil na ilabas naman sa Mulitply ang nasa baul niyang dokumento ng COWARD, ang “paid ad” ng mga Marcos Loyalists. Pina-scan sa computer at pinalipad sa cybersphere. Pinailanlang ni Aguila sa web upang tuligsain o paaalalahanan ang mga miyembro ng CAP na “madali raw makalimot” aniya.
Kinukuwestiyon ni Aguila kumbakit pumayag ang CAP na pangunahan ni Rio Alma ang pagdarasal “laban sa masasamang budhi.”
Buo ang dokumento ng gyera-patani sa hanay ng mga makabayang manunulat. Pinatindi ang polarisasyong ito ng sektor sa arte at literatura na kinakatawan ng grupong Rio Alma Versus Galian sa Arte at Tula bago at pagkatapos ng Edsa I – pero ang tawag ni Almario sa mga sumabak ay mga welgista sa Edsa.
Bago pa namatay ang GAT, nag-organisa agad si Rio Alma ng bagong pangkat pampanitikan na tatawagin niyang LIRA – (at biro nga sa akin ni Mike Bigornia noong nabubuhay pa – Liga ni Rio Alma). Ngunit sa opisyal na ngalan ay Linangan sa Arte Retorika at Awit. Sa LIRA magsasama-samang muli ang mga manunulat na barkada at tagahanga ni Rio Alma lalo na mula sa hanay ng kabataan sa Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas. At itutuloy ng UMPIL ang krusadang pampanitikan. Makokopo ng pangkat ni Rio Alma ang mga kontes at publikasyon. Sa Palanca, UP, NCCA, Aklat Adarna, Anvil Publishing, at mga coffe table book mula kung saan-saang ahensya ng gobyerno. May proyekto silang texttula at ang isang proyekto ng UMPIL – TULAAN SA TREN ay nagplano silang pag-usapan sa mansion-bakasyunan ng National Security Adviser Chavit Singson, kung saan kaaya-ayang magmiting pagkat malawak ang mansion-zoo kung saan pwede silang mag-obserba ng mababangis na hayop sa loob ng tahanan ng kanilang padrinong pulitiko.
Pagdating ng Agosto 29, 2009, sa taunang proyekto ng UMPIL – na Pambansang Gawad ni Balagtas, dito rin babasahin ni Almario ang inihanda niyang mensahe – na may titulong Bakit Panitikan ang Panitikan – na isinulat niya para hamakin ang ayon na rin sa kanya ay “kamangmangan ni Carlo J. Caparas – pagkat di karapatdapat na makasama niya bilang National Artist. Isinulat niya ito para sa Kumperensya ng UMPIL na may temang Literacy from Literature kasabay ng taunang Gawad Pambansang Alagad ni Balagtas. Nagkataon namang isa ako, sa mga “nanalo” bilang Pambansang Gawad Alagad ni Balagtas 2009. Uulitin kong ang magandang tropeong likha ni Manny Valdemor na nakalaan sa akin bilang “pinangaralan” ng UMPIL ay pansamantala kong inilagak sa Museo ng Sining ng G.S.I.S., Bangkay ng palakang detinido ngayon sa loob ng munting cute na garapon na tigib sa pormalin. Ito’y nasabi ko na, bilang protestang pampanulaan hinggil sa personal kong pagtuturing sa maka-Haring pagpapahalaga sa literatura kay Balagtas at sa kanyang Florante at Laura.
Wika nga’y wala namang taong nagmomonopolyo ng kahinaan o kamalian, lahat ng artista’t manunulat ay imposibleng walang mantsa. Hindi naman naghahanap tayo ng bagong Rizal o Delpilar; pero kailangan talagang maging matapat tayo sa punahan para sa pagsusulong ng panulaan, kultura at lipunan. Parake at tumutula pa tayo. Kung kailangan ang gyera sa panitikan, pag-alabin natin ang tunay na gyerang tayong lahat ang panalo. Hindi giyera-patani, magaling ka sa harapan, pero nilalait ka sa talikuran, lalagyan ka ng introduksyon sa libro, pero pang-bribe lang pala. Nilalait ka’t sinasaksak sa likod, puri-purihan kunwari , polite sa pagpapakumbabaw – hindi ganun ang katangian ng Pilipinong pinangarap at naging dahilan ng pagkamatay nina Rizal, Del Pilar, Supremo Bonifacio at Jacinto.
Samantala, tahimik namang nagsusulat at lumilikha ng mga obrang dekalidad at may dignidad ang pailan-ilang makatang tulad nina Pete Lacaba, Lamberto E. Antonio at nobelistang Lualhati Bautista. (Manaka-naka, hihiling po tayo ng kontribusyon ng tula sa mga manunulat at makatang nakakaisang-timpla ng KuntraKrusada. Itinuturing ko ring kapuso at kapamilya ang tahimik at mas “mahiwagang” si Bob Ong. May intriga ang kanyang alamat sa cybersphere – kung paanong nagsimula siya sa pen name na Bobong Pinoy. Ang kanyang mga libro, sa idiomang popular ng pinoy – simple lang pero rock. Madaling intindihin, matulain, makahulugan, at malakas ang dating. Pero may mga selosong traditional writers – hindi raw tatagal kumbaga sa boksing si Bob Ong. Sa tumagal at sa hindi – marami nang libro si Bob Ong na tumaliwas ng landas mula sa tradisyon ng konserbatibong panitikan. Kabilang dito ang ABANKKBSNPLAKO! Kung Bakit Baligtad Magbasa ng Libro ang Pinoy, Ang Paboritong Libro ni Hudas at marami pang kasunod…
Siguradong may iba pang kabataang ‘nananahimik’ at nagsusulat, mga bagong henerasyon ng intelektwal – sila ang kabataang inaasahan ni Rizal, apo ni Plaridel, Bonifacio at Jacinto; kabataang hindi na magpapatangay sa debate ng mga nasa humanidades, sining at literatura na kadalasa’y nagpapataasan lamang ng ihi at nagpapatayugan ng mga opinyong napupulot sa kung sino-sinong propetang Europeano at Americano. Nagpapaligsahan – kumbaga sa larong tennis – sa pagiging “pulot boys” sa matitinik na pimpongista sa pantikang tulad nina Derrida, Foucault, Lacan, etc. Mga propeta ng literatura at kinakategoryang postmodern sa bagong paradigm ng mga traditional intellectuals.
Samantala, may isang perpektong ehemplo ng isang tunay na intelektwal na Pinoy – si Dr. Sam Bernal. May panayam (special report) sa kanya ang journalist na si Ma. Ceres P. Doyo na isinerye noong Setyembre 14 -17, 2009 sa Philippine Daily Inquirer. Si Dr. Bernal – mahilig din sa teatro at literatura, pero ang propesyon at bokasyon ay paglilingkod sa kapwa sa pamamagitan ng panggagamot. Isa siya sa nangunguna sa buong mundo sa stem cell medicine. Si Dr. Bernal ay lisensiyado ring abugado, chemist, MBA grad – interesante talagang malaman ang kanyang idea o opinyon sa mga akda kung kanyang nasusundan o binabasa ang mga obra ng mga sikat na National Artists sa visual arts at literatura. Ang kahanga-hanga sa kanya, nagamot niya ang sarili – kahit nadiagnose nang apektado ng kanser ang kanyang atay, bato at baga. Ngunit sa halip na mawalang pag-asa o ipaubaya sa langit ang kanyang karamdaman, siya mismo ang gumamot sa sarili. Sa pamamagitan ng stem cell therapy. Nalaman niyang tinamaan siya ng kanser noong 2006. Sinabi niya sa Inquirer:
“I had no clue, I was completely healthy, writing a book, I was doing the chapter on kidney cancer.’
Ngunit siya mismo pala’y apektado na rin ng sakit.
“You could be dying and you don’t know it. My head was floating, my mind went numb. It was a totally surreal experience. I was given a pronouncement of death, three to four months.”
Pero sa mahigpit niyang pananalig sa siyensiya at sa sariling kakayahan, napagaling niya ang kanyang karamdaman, sa pamamagitan ng stem cell medicine. Uulitin kong si Dr. Bernal ang ehemplo ng isang tunay na intelektwal – na imposibleng kilalaning National Artist ng mga sarado Katoliko – tradisyunal na manunulat na nalahiran ng kultura ng mga konkistador. At tiyak, marami pang gaya niya – tahimik na intelektwal at hindi nakikipagtaasan ng ihi sa debate ng mga nasa humanidades at literatura. Mga edukado at paham sa bisa ng Divino Verbo – malusog sa walang hanggang opinyon laban sa walang hanggang opinyong nakabatay sa Divino Vervo o sa kabanalan ng salita.
Kung si Dr. Bernal ay itatanghal nating National Artist, baka magtakbuhan sa hiya ang kanyang makakasama sa karangalan. Mahuhulaan agad ang magiging takot ni Carlo Caparas – ang komiks writer na nagluwal kay Joaquin Bordado at Bakekang.
Ang sakit ng literaturang Finoy ay hindi pwedeng malunasan sa gamot na pagbulong-bulong. Kailangan ang makaagham na pagdulog at paglunas tulad ng kaso ng kanser ni Dr. Bernal. Inaanalisa niya ang loob, hindi salita kundi pagsusuri sa mga lamanloob – di tulad ng konsepto ng abstraktong loob at kaloobang Pinoy ng Pantasyang pananaw ni Zeus Zalazar – binyag ng social scientist na si Arnold Molina Azurin – pinauso ni Zeus ang Pantayong pananaw na parang responsable sa pagkaluwal ng Bagong Tipan ng Mahal na Birhen sa Banahaw ni Connie Alaras. Pero mas sopistikado ang taglay ni Reynaldo Ileto’ng “Pansyonismo” na sinundan at ginamit din sa doktrina sa kritisismo ng Bagong Pormalismong Filipino ni Virgilio S. Almario. At mula sa lantay na kaisipang Filipinismo, sumupling pa ang bagong virus na sumasalipawpaw sa bisa ng parakale/parekala, hulagway/hugalway, lawas/walas at umaalimbukay na solipsismo ng sikat, batam-batang makata at eleganteng mananagalog na si Roberto T. Anonuevo.
Walang masama na mamulot ng idea saan mang lupalop ng mundo basta ito’y mailalapat sa realidad ng partikular na kalagayan ng lipunan at makapagdudulot ng praktikal na karunungan; at nakapagpapasulong sa pag-unlad ng kalinangan ng tao. Mas makabubuting inuunahan ng mga artista’t manunulat ang perwisyong paghahati-hati sa daigdig ng masamang pulitika. Lagpasan na natin ang kulturang nasyon versus nasyon – ng mga pulitiko-militar at gobyernong papet lamang ng kulturang imperyalismo-hegemonismo ng mga may hawak ng kabuhayang pandaigdig at puwersang teknolohiya-militar.
Bakit may racismo? Kung tutuusin, may iisa lamang pinagmulan ang tao – mula sa nunong organismong iniluwal ng primordial soup at nag-evolve sa higanteng nuno nating balon sa Africa. Hindi imposibleng pagkasunduin ang hinati-hating specie o lahi na umahon sa lupa at natutong tumayo sa dalawang paa, natutong gumuhit at tumula, gumamit ng teknolohiyang bakal, nagpalipad ng space ship upang tuklasin ang ibang uniberso sa ayuda ng computer at microchip.
Labanan natin ang mapanghating kaisipang, Kanluranin kuntra Silanganin. Filipino kuntra Americano; Kristiano kuntra Muslim, Pacquiao kuntra Mayweather. O ang alembong at dekadenteng Miss World, Miss Earth o Miss Pekpekontest. Tigilan na natin ang kultura ng paboksing-boksing at gyera-negosyo. Kasumpa-sumpa at peste sa tao at lipunan ang kulturang imperyalista’t hegemonista. Kailangang pangunahan ng mga scientist-humanist ang kulturang global na makatao at produktibo.
Kilala natin kung sino ang kukuntra – hindi tayo kakampihan ng mga pulitiko at mga tradisyunal na intelektwal at manunulat na laging nakikipagkuyang-yangan sa mga pulitiko at nagsisilbing protocolista kundi man mersenaryo ng status quo. Mga reaksyunaryong rightist, konserbatibong repormista, hegemonista at fundametalista-metapisikal.
Kailangang sumabay ang Pinoy sa lohika ng kulturang ebolusyunista, siyentipiko, produktibo at makatao. Noong 1939, nanawagan na ang physicist at literary writer na si C.P. Snow – sa kanyang piyesang The Two Cultures. Tinalakay niya sa lekturang ito ang problema ng malawak na pagkakahiwalay ng mga intellectuals sa humanities at ng mga totoong scientists. Nanawagan siya ng pagsasanib ng dalawang pangkat para sa ikauunlad ng kabihasnan sa buong mundo.
May isa pang physicist na nagpahayag sa pagkakahiwalay ng humanist intellectuals at mga hard scientists – si I.I. Rabi, ayon sa kanya – ang ikinalulungkot daw ng kanyang mga kaibigang artists at writers ay ang kawalang katiyakan kung pakikinabangan ng tao at lipunan ang kanilang mga obra. Naniniwala si Rabi na ang pagtutulungan ng dalawang pangkat ng intelektwal mula sa agham at humanidades ay napakahalaga. Sinipi ko mula sa Science and Humanities at Mid-Century” ni I.I. Rabi ang kanyang panawagang pangkultura sa mga scientsts at traditional writers sa academe:
“The scientific tradition at some point has become separated from the humanistic, or rather, literary tradition, for at least a hundred years. It is my hope that in our age they may be rejoined, because I believe that the scientific tradition has much to offer a culture which has become overly introspective, and stuffy, Like Antaeus, we must again make contact with nature to renew our strength and to refresh our spirit.”
Sa tinutumbok na layunin nina Snow at Rabi, kung mapagsasanib at magkakatulungan ang dalawang klaseng ito ng intelektwal, mahahango ang metapisikal na kulturang nagagamit ng mga Hari at naghahari-harian sa panlulupig ng bansa laban sa bansa, pang-aalipin ng kapwa tao laban sa kapwa tao o pag-uupakan sa ibabaw ng ring ng mga boksingero para sa pangmachong koronang pandaigdig – ito ang Kulturang Makahari – mapamuksa, anti-tao at laban sa kabutihan ng sibilisasyon.
Paano natin lalabanan ang kulturang mapameste sa tao? Nasa pagtutulungan ng artists at mga scientists ang pagharap sa mga problema upang maisulong ang kabutihan ng tao at sa pag-unlad ng sibilisasyon sa buong mundo. Hindi puwedeng magkamutan lang tayo ng likod na parang buni (sakit sa balat) lamang ang ating problema. Kailangan nating harapin ang malalim na sakit ng ugaling Pinoy: Denial Complex.
Sa Pilipinas, partikular na malulunasan nito ang polusyon sa isip, pananaw at pagpapahalagang dala-dala ng mapaminsalang mikrobyo. Mula sa bacteriang dala-dala sa ating arkepelago ni Magellan, sa bisa ng abrakadabrang literaturang hango sa Divino Vervo sa Bibliya na pinalaganap at mabisang ginamit ng mga Hari para sa pagpapanatili ng kanilang pagsasamantala laban sa mga tao sa bawat lupain at bansang kanilang sinakop. Sa kaparehong dahilan, ang talas at kapurulan ng ating pagsusuri laluna sa mga susing usapin sa sining at literatura ay dapat makaigpaw sa mga pakiramdam at haka-haka; kailangan natin ang makaagham, realista at natural na pagdulog sa pagkilatis laluna sa mga bagong akda ng kabataang itatanghal nating mga National Artist balang araw.
Tomas F. Agulto